Post Header
Sa aming patuloy na pagsusumikap na bigyan kayo ng higit pang mga kagamitan para pangasiwaan ang inyong karanasan sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), maglulunsad kami ng isang panibagong interface na magbibigay kakayahan sa inyong magtago ng nilalaman mula sa mga partikular na tagagamit.
Pagharang at Pag-mute: Isang Pagpapaalala
Magpapatupad kami ng dalawang uri ng katangian upang matulungan ang mga tagagamit na pangasiwaan ang kanilang mga karanasan at magbigay ng karagdagang proteksyon laban sa panliligalig, nang hindi nagpapahirap sa mga tao na lumikha at makipag-ugnayan sa mga nilalaman sa AO3:
- Pagharang, na pipigil sa mga piling tagagamit na makipag-ugnayan sa inyo.
- Pag-mute, na magbubukod sa nilalaman ng mga piling tagagamit mula sa inyong personal na karanasan sa AO3.
Dahil magiging napakalaking gawain ang paglalapat ng mga konseptong ito nang sabay-sabay sa lahat at madalas na magkakaugnay na katangian ng AO3, unti-unti namin itong gagawin sa paraang maaari ninyong harangin at i-mute ang mga tagagamit sa ilang lugar habang patuloy naming inaayos ang iba.
Mayroon na kayong abilidad upang harangin ang mga partikular na tagagamit sa pag-iiwan ng mga komento sa inyong mga katha o ng mga tugon sa iyong mga komento.; ngayon, maaari niyo na ring itago mula sa view ang mga katha, palatandaan, at komento ng mga tagagamit.
Ano ang ginagawa ng pag-mute?
Habang pinaplano naming palawigin ang katangiang ito, sa ngayon, maitatago ninyo ang mga sumusunod na bagay kung imu-mute ninyo ang isang tagagamit:
- mga kathang kanilang nilikha (o kapwa nilikha) sa resulta ng paghahanap at listahan ng tag (mayroon pa rin kayong akses sa katha mismo, kung mayroon kayong direktang kawing)
- mga palatandaang kanilang nilikha
- mga palatandaan ng ibang tagagamit sa kanilang katha o serye
- mga komentong kanilang iniwan
Nagagawa namin ito sa pamamagitan ng awtomatikong pagbuo ng kakaunting CSS na nag-aalis ng natukoy na nilalaman mula sa view at nagtatago nito mula sa pantulong na teknolohiya, gaya ng mga screen reader. Bagama't nagawa niyo na ito gamit ang custom site skin, humihingi lang ng panlagda ang bagong katangiang ito at ito na ang bahala sa ibang kailangang gawin.
Dahil ginagawa pa rin ito gamit ang mga skin, pakitandaan na ang mga numero sa itaas ng resulta ng paghahanap o sa mga salaan ng tag (na ibinibigay ng aming search engine) ay maaaring iba sa bilang ng mga katha o palatandaan na ipinapakita sa inyo. Hindi rin namin pinapalitan ang nilalaman ng mga naka-mute na tagagamit ng patlang, pamalit na teksto, o anumang indikasyon na mayroon pa lang nakatago.
Paano ko imu-mute ang mga tagagamit?
Isang "Mute" (I-mute) na buton ang idadagdag sa mga dashboard ng mga tagagamit at sagisag-panulat nila, pati na rin sa mga profile. Magiging "Unmute" (I-unmute) na buton ito kapag pinagana, upang madali niyong mabaligtad ang inyong pinili.
Magbibigay din kami ng interface upang pamahalaan ang inyong mga naka-mute na tagagamit: ang pahina ng Muted Users (Mga Naka-mute na Tagagamit). Pinapayagan kayo nitong magdagdag at mag-alis ng mga tagagamit mula sa inyong listahan. Mananatiling naka-mute ang isang naka-mute na tagagamit kahit na baguhin man nila ang kanilang pangalan.
Mula sa pahinang ito, madali niyo ring ma-akses ang inyong listahan ng mga naka-block na tagagamit, para hiwalay niyong mapamahalaan ang mga iyon.
Iba pang mga opsyon
Bilang karagdagagan sa mga katangian ng pag-block at pag-mute, mayroong iba't ibang umiiral na paraan para ma-kontrol ninyo ang inyong karanasan sa AO3, kabilang na ang built-in preferences at mga kagamitan mula sa third-party. Maaari rin kayong gumamit ng sariling anyo ng site (site skin) para mai-mute ang mga partikular na katha, palatandaan, o serye.