AO3 News

Post Header

Published:
2024-09-05 16:05:01 UTC
Original:
Celebrating the OTW's 17th Anniversary
Tags:

Ipinagdiriwang ng OTW ang kanilang ika-17 anibersaryo

Sindihan ang kwitis, ipinagdiriwang ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ang kanilang ika-17 anibersaryo! Mula noong 2007 ay marami na tayong narating, at maligaya kaming nakapagdiwang ng panibagong anibersaryo kasama kayo. Isa na namang taon ang lumipas na puno ng tagumpay at mahalagang pangyayari, kabilang ang ngunit hindi limitado sa:

  • Nakaabot na ng 7 milyong tagagamit at 13 milyong hangang-katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), na may nadagdag na higit sa 300,000 kathang nakasulat sa ibang wika mula noong Setyembre sa nakalipas na taon;
  • Nakapag-angkat ang Open Doors ng 9 na sisidlang pang-hangang-katha;
  • Umabot na sa 70,000 artikulo ang nasa Fanlore;
  • at 14 na artikulo, 5 symposia, 3 pagsusuri ng mga libro, at 2 likhang-multimedia ang nailathala sa Transformative Works and Cultures – TWC (Nagbabagong Katha at Kultura)!

Dahil kaarawan na namin, nag-gayak kami upang magdiwang. Mayroon nang opisyal na skin para sa anibersaryo ng OTW na magagamit sa AO3 para sa okasyong ito, para sa limitadong panahon lamang!

Skin para sa ika-17 anibersaryo ng OTW

Kung nais mong gayakan ang itsura ng iyong AO3, maaari mong gamitin ang skin para sa anibersaryo sa pamamagitan ng pagpunta sa ilalim ng pahina at pagpili sa “Happy 17th!” (Maligayang ika-17!) sa ilalim ng Customize. Maaari mo rin itong palitan sa Skins sa iyong Dashboard, kung saan makikita mo ang skin para sa anibersaryo sa ilalim ng Public Site Skins.

Gusto mo bang ipakita ang iyong sariling istilo para sa okasyong ito? Alam mo bang maaari kang lumikha ng sarili mong site skin sa loob ng ilang minuto gamit ang Skin Wizard?

Para magawa ito, pumunta sa Dashboard at piliin ang Skins.

Ang Homepage ng AO3 na may nakaturo sa Dashboard menu

Pagkatapos nito, piliin ang Create Site Skin (Gumawa ng Site Skin). Sa ilalim nito, maaari kang pumili kung magsusulat ka ng bagong CSS o gagamitin mo ang Skin Wizard. Para sa mga programmer, pwedeng maging masayang hamon ang unang opsyon! Ngunit ang Skin Wizard ay makapagbibigay ng mas mabilis at madaling paraan ng paggawa ng skin.

Ang Dashboard ng AO3 na may nakaturo sa Create Site Skin na pindutan

Ang interface ng AO3 skin editor na may nakaturo sa Use Wizard na pindutan

Kapag ginamit mo ang Use Wizard (Gamitin ang Wizard), maraming opsyon para sa pagpapasadya ang lalabas. Una, bigyan ang iyong site skin ng natatanging pangalan. Kung gusto mo, maaari ka ring magdagdag ng paglalarawan para rito.

Kasunod, maaari kang pumili ng font at ayusin ang laki ng font, lapad ng likha, at pagitan ng mga talata. (Kung hindi ka sigurado sa kahulugan ng bawat termino, tignan ang mga maliliit na tandang-pananong na nasa gilid ng bawat opsyon.)

Ang interface ng AO3 Skin Wizard na may opsyon na Title (Titulo), Font, Percent of browser font size (Porsyento ng laki ng browser font) na may laman at naka-highlight

Pagkatapos nito, maaari ka nang pumili ng mga kulay! Pwede mong palitan ang kulay ng background, titik, header, at accent sa paglagay ng kanilang pangalan o ang mga hex code ng anumang kulay na nais mong gamitin!

Habang nililikha ang iyong site skin, mayroon ka ring opsyon na magdagdag ng parent skin. Pinapayagan nitong ipagsama-sama at ipagpatong-patong ang iba’t ibang site skin habang gumagawa ka ng bago. Kung gusto mong panatiliin ang default na opsyon para sa mga pagpipiliiang ito, mangyaring iwanan na lamang blanko ang patlang.

Ang interface ng AO3 Skin Wizard na may opsyon na Background color (Kulay ng background), Header color (Kulay ng header), at Accent color (Kulay ng accent) na may laman at naka-highlight

Kapag ikaw ay tapos na, piliin ang Submit (I-sumite) para makita ang kalalabasan!

Kabuuang pagpapakita ng skin na may nakaturo sa mga buton ng Use, Preview, Edit, at Delete

Pagkatapos mong i-sumite, mayroon kang opsyon na Use (Gamitin), Preview (Pahapyaw), Edit (I-edit), o Delete (Alisin) ang skin. Kung pipiliin ang Use, ipapatong ang iyong skin sa lahat ng pahina ng iyong AO3.

Ang Dashboard ng AO3 na may kulay dilaw at pula

Ang Homepage ng AO3 na may kulay dilaw at pula

Tandaan na laging bukas ang opsyon na i-edit o alisin ang skin at palitan ito ulit kung gusto mo ng ibang itsura. Ang mga skin na iyong ililikha ay tanging ikaw lang ang makakakita.

Ngunit dahil kaarawan ng OTW, nais namin makita ang ilan sa inyong sariling mga gawa na skin! I-screenshot ang pahina ng iyong AO3 na nakikita ang iyong skin, at ibahagi ito sa aming mga social media channel!

Maraming salamat sa pagdiwang ng ika-17 anibersaryo ng OTW kasama namin. Hindi kami makakaabot kung nasaan kami ngayon kung wala kayong aming mga tagahanga at boluntaryo. Nasasabik kaming makita kung ano ang mangyayari sa susunod pang panahon, at kung ano pa ang ating magagawa!


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.