AO3 News

Post Header

Anunsyo mula sa OTW

Upang gawing mas malinaw ang mga alituntunin ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) para sa aming mga tagagamit, nilalayon naming gumawa ng pagbabago sa Palatuntunan ng Serbisyo ng AO3 (mababasa lamang sa Ingles) sa kalagitnaan ng Nobyembre 2024. Kapag nangyari na ito, ang lahat ng tagagamit ay kailangang sumang-ayon sa bagong Palatuntunan ng Serbisyo upang magpatuloy sa paggamit ng AO3. Ang buong teksto ay ipinaskil na para sa pampublikong pagsusuri, kasama na ang detalyadong pagpapaliwanag sa kung ano ang (at ano ang hindi) nagbago:

Buod ng mga pagbabago

Bilang bahagi ng muling pagsasaayos ng Palatuntunan ng Serbisyo para gawin itong mas malinaw, ang pagkakaayos sa bagong Palatuntunan ng Serbisyo ay iba kaysa sa dati. Makikita sa gabay sa pagbabago (sa Ingles) ang detalyadong pagpapaliwanag sa kung ano ang nagbago at bakit. Narito ang mga highlight:

  • Nilinaw namin ang Content Policy (Patakaran ukol sa Nilalaman), ngunit hindi namin binago kung anong mga katha ang pinapayagan o hindi. Kung pinayagan dati ang iyong hangang-katha sa AO3, pinapayagan pa rin ito ngayon.
  • Nahahati sa tatlong pahina ang Palatuntunan ng Serbisyo: General Principles (Pangkalahatang Prinsipyo), Content Policy, at Privacy Policy (Patakaran sa Pribasiya). Gagawin nitong mas madali ang iyong paghahanap kapag mayroon kang nais na malaman tungkol sa isang partikular na bahagi ng Palatuntunan ng Serbisyo.
  • Pinasimple namin ang wika sa kabuuan ng Palatuntunan ng Serbisyo at inalis ang mga paulit-ulit o labis na partikular na mga parirala at sipi. Kung makakatulong ang mas mahabang paliwanag sa pagbibigay ng kalinawan, nagdagdag kami sa halip ng mga bagong katanungan sa FAQ ng Palatuntunan ng Serbisyo.
  • Binago namin ang mga paglalarawan sa kung paano namin, at ng aming mga subprocessor, kinokolekta at pinoproseso ang impormasyon ng tagagamit (kabilang na ang personal na impormasyon) sa Privacy Policy.
  • Ginawang pangkalahatan ang nilalaman ng Abuse Policy (Patakaran ukol sa Pang-aabuso) upang bigyan ang Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso ng AO3 ng higit na kakayahang umangkop para matukoy kung paano tutugunan ang mga paglabag sa Palatuntunan ng Serbisyo habang nagbibigay pa rin ng proteksyon para sa mga hangang-katha alinsunod sa misyon ng AO3.
  • Ang "Underage" (Menor de edad) Archive Warning (Babala ng Sisidlan), na ginagamit para sa mga kathang nagpapakita o nagsasalarawan ng pagtatalik ng menor de edad, ay papalitan ng "Underage Sex" (Pagtatalik ng Menor de edad). Hindi nito binabago ang kahulugan ng babalang ito o kung paano ito ipinapatupad. Kapag nagbago na ang Palatuntunan ng Serbisyo, ang lahat ng kathang mayroong "Underage" Archive Warning ay awtomatikong muling ikakategorya upang ipakita sa halip ang bagong "Underage Sex" Archive Warning. Kung mayroon kang katha na may babala na "Underage" at hindi mo nais na ipakita ito bilang "Underage Sex", maaari mo itong palitan ng "Creator Chose Not to Use Archive Warnings" (Pinagpasiyahan ng Manlilikha na Hindi Gamitin ang mga Babala ng Sisidlan) anumang oras.

Maaari mong basahin ang mga iminungkahing pagbabago (sa Ingles) at i-komento sa balitang paskil na ito ang mga tanong, mungkahi, o tugon na mayroon ka tungkol sa bagong Palatuntunan ng Serbisyo o sa FAQ ng Palatuntunan ng Serbisyo. Mananatiling bukas ang pagbibigay ng komento hanggang ika-18 ng Nobyembre, 2024. Pagkatapos magsara ang komento, ang Lupon ng mga Tagapangasiwa para sa OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha), ang pangunahing organisasyon ng AO3, ay boboto sa mga iminungkahing pagbabago sa Palatuntunan ng Serbisyo. Kung pabor ang Lupon, babaguhin ang Palatuntunan ng Serbisyo at ang lahat ng tagagamit ay kailangang sumang-ayon sa bagong Palatuntunan ng Serbisyo upang magpatuloy sa paggamit ng AO3.

Upang mapakinggan ang iyong opinyon bago bumoto ang Lupon, siguraduhing isumite ang iyong komento dito bago ang ika-18 ng Nobyembre.


In-edit noong ika-18 ng Nobyembre, 2024: Tapos na ang dalawang linggong panahon ng pagsusuri at sarado na ngayon ang komento. Kung mayroon kang dagdag na tugon para sa Lupon, mangyaring isumite ito gamit ang kanilang form sa pakikipag-ugnayan. Kung mayroon kang iba pang katanungan tungkol sa Palatuntunan ng Serbisyo o sa FAQ ng Palatuntunan ng Serbisyo, mangyaring makipag-ugnayan sa Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.