Post Header
Humanda sa paparating na Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha! Sa ika-15 ng Pebrero, muli na naman tayong magsasama-samamula sa iba’t ibang dako ng fandom para sa ika-11 na taunang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha. Una itong ginanap noong 2014 upang ipagdiwang ang ika-isang milyong hangang-katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), upang kilalanin at ipagbunyi ang lahat ng anyo ng hangang-katha – isinulat na katha, sining, podfic, zine, at iba pa – bilang mahahalagang bahagi ng fandom.
Ang tema ng Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha ngayong taon ay Fan Communities are Ecosystems (“Ang Komunidad ng mga Tagahanga ay Mga Ekosistema”) ay kumikilala at pinapalawak ang ideya ng pagkakaiba-iba sa loob ng fandom: hindi lamang maraming uri ng mga hangang-katha, kundi marami ring pamamaraan ng pakikibahagi sa fandom: pagbabasa, pagpupuna, pagtatrabaho sa mga fan wiki, paggawa ng sining, pagsusulat, at iba pa! Lumilikha ng mga natatanging ekosistema ng fandom ang pagtutulungan ng iba’t ibang mga tagahanga, at nais naming ipagdiwang ito kasama ka ngayong taon. Mula ngayon hanggang sa Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha, inaanyayahan naming makibahagi kayo sa ilang mga aktibidad na aming ihahanda :
- Sumali sa aming Feedback Fest at irekomenda ang iyong paboritong katha tungkol sa (kathang-isip) na komunidad at dinamikong panlipunan. O irekomenda ang anumang nakaapekto sa ekosistema ng iyong fandom! Interesado ka ba? Abangan ang aming paskil sa ika-13 ng Pebrero!
- I-tag ang iyong mga katha sa AO3 na may kinalaman sa komunidad ng mga tagahanga gamit ang tag na International Fanworks Day 2025 (Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha)!
- Ibahagi sa social media ang iyong karanasan sa mga fandom bilang mga ekosistema gamit ang mga tag na #IFD2025 or #IFDChallenge2025
Inaabangan namin ang inyong mga kontribusyon! Kung gusto mong lumahok sa ibang paraan, pwedeng-pwede mo rin itong gawin. Kung ikaw o ang iyong komunidad ng tagahanga ay nagbabalak na magpasinaya ng sarili ninyong aktibidad para sa Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha, ipagbigay-alam ito sa amin upang mapalaganap namin ito! Maaari ninyong gamitin ang mga tag na nabanggit sa taas.
Mag-aanunsyo kami ng iba pang aktibidad para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha ngayong 2025, kaya bantayan ang aming mga social media channels.
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.