AO3 News

Post Header

Published:
2025-03-23 17:02:35 UTC
Original:
Comment Rate Limits for Logged-In AO3 Users
Tags:

Sa mga nakaraang buwan, nakaranas ang Archive of Our Own – AO3 (Ang Aming Sariling Sisidlan) ng pagdami ng mga komentong spam mula sa mga rehistradong tagagamit. Upang maiwasan ang mga komentong ito, na kadalasan ay humihingi ng impormasyon para sa pag-kontak, o 'di kaya'y nag-aalok ng komisyon o kolaborasyon para sa sining, sisimulan namin ang pagtatakda ng rate limit o limitasyon sa tulin ng pagkomento at iba pang mga pagkilos para sa mga tagagamit na naka-log in. Inaasahan namin ang mga limitasyong ito ay maipapatupad sa mga susunod na araw.

Bilang resulta ng mga limitasyong ito, maaaring makakuha ka ng babalang mensaheng nagsasabing "Retry later" (Subukan muli mamaya), lalo na kung nag-iiwan o nagbabago ng maraming komento sa maikling panahon. Layunin naming mapabagal ang mga spammer nang hindi masyadong nararamdaman ng mga totoong nagkokomento. (Ibig sabihin nito, hindi rin namin maaaring banggitin kung ano ang tiyak na bilang ng limitasyon, pero iminumungkahi naming maghintay ng 15 minuto bago subukang muli.)

Kapag nailapat na ang mga limitasyong ito, pag-iisipan rin naming subukan ang ibang mga pamamaraang inaasahang makakabawas ng spam na mas lalo pang hindi makakaabala sa mga lehitimong tagagamit. Humihingi kami ng paumanhin sa abalang naidulot at pinapahalagahan namin ang iyong pag-unawa sa paghanap namin ng balanse na tumutugon sa pangagailangan ng bawat isa.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.