Ano ang AO3?
Isang di-pangkomersyal at di-pangkalakal na site ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) na siyang sentral na site na naglalaman ng mga ibahing hangang-katha tulad ng fanfiction at, sa hinaharap, iba pang mga ibahing katha tulad ng hangang-sining, fan video, at podfic. (Sa kasalukuyan, maaaring i-embed ang mga midyang di-teksto sa isang katha sa AO3. Mangyaring sumangguni sa FAQ ukol sa Pagpaskil at Pagpatnugot para sa karagdagang impormasyon.)
Binuo ang AO3 gamit ang isang open-source na software para sa pagsisilid na dinisenyo at binuo ng mga tagahanga para sa mga tagahanga. Kasalukuyang nasa GitHub ang open-source na software para sa AO3. Pagmamay-ari ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ang mga server at pinondohan mula sa pawang mga donasyon. Hindi nagbabayad ang mga tagagamit, at walang mga paanunsiyo sa site.
Nakatuon ang OTW at AO3 na pangalagaan at magbigay-akses sa mga ibahing katha. Para sa impormasyon ukol sa aming paniniwala ukol sa mga ibahing katha, mangyaring sumangguni sa Ang Aming Paniniwala: paksa 2 at Patakaran ukol sa Nilalaman: Seksyon IV D sa Palatuntunan ng Aming Serbisyo.
Ano ang OTW?
Ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ang pinagmulang organisasyon ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW na itinatag ng mga tagahanga upang paglingkuran ang mga interes ng mga tagahanga, sa pamamagitan ng pagbibigay-akses at pangangalaga sa kasaysayan ng mga hangang-katha at ang kultura ng mga tagahanga sa iba’t ibang anyo nito.
Nilikha ang OTW upang itaguyod ang isang kinabukasan kung saan kinikilala na ligal at transpormatibo ang mga hangang-katha, at katanggap-tanggap ang mga ito bilang lehitimong malikhaing gawain. Interesado kami sa iba’t ibang uri ng mga ibahing katha, ngunit aming pangunahing layunin ang suportahan at ipagtanggol ang mga uri ng mga kathang nakapaskil sa AO3, at ang mga tagahangang lumikha sa mga ito.
Maaari kang sumangguni sa aming pangunahing website para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, sa pahinang Tungkol sa OTW at sa FAQ.
Sino ang lumikha ng AO3?
Dinisenyo ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) at nilikha ng mga boluntaryo mula sa fandom habang nagtatrabaho sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha). Marami sa aming mga boluntaryo ang nag-umpisa na walang kaalaman sa paggawa ng code, pagdidisenyo, o pagdodokumento at natutunan nila ang kanilang mga kakayahan sa proyektong ito. Isang kahanga-hangang tagumpay ito sa aming tingin! Kung nais mong sumali sa amin, mangyaring magboluntaryo gamit angpahina ng Pagboboluntaryo sa AO3.
Paano pinopondohan ang AO3? Maaari ba akong magbigay ng donasyon?
Pawang mga donasyon ang The Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ang pumupondo sa OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha). Hindi kailangang magbayad ng mga tagagamit para gamitin ang site, at walang mga paanunsiyo sa site. Kung nais mong suportahan ang AO3, mangyaring magbigay ng donasyon.
Pinapasalamatan naming ang inyong mga donasyon, na siyang tumutulong na magbayad para sa aming mga server, mga gastusin ng hosting, at bandwidth, at sya ring tumutulong sa ibang proyekto ng OTW, tulad ng Fanlore at Open Doors. Kapag nagbigay ka ng US$10 o higit pa, mabibigyan ka nito ng pagkakamiyembro sa OTW at makakaboto ka sa halalan ng OTW, kaya makakatulong kang hubugin ang kinabukasan ng organisasyon.
Magagamit ba ang AO3 sa ibang wika maliban sa Ingles?
Hindi pa, pero siguradong nasa Roadmap namin ito! Nakatuon kami sa pagsasalin ng interface ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) — mula sa button para sa "Post New" (Magpaskil ng panibago) hanggang sa mga mensahe ukol sa mga kamalian — sa pinakamaraming wikang posible. Layunin namin ang isang Sisidlan na nasa iba’t ibang wika, na kasing-daling gamitin, bilang halimbawa, ng isang katutubong tagapagsalita ng Bulgaria at ng isang katutubong tagapagsalita ng Ingles.
Hinihiling namin ang inyong pang-unawa dahil mangangailangan ito ng ilang sandali. Tulad ng ibang katangian ng AO3, manu-manong kino-code ang mga kagamitan para sa pagsasalin, at boluntaryo ang mga tagasalin na naglalaan ng kanilang oras. Kung nais mong makatulong na maipatupad ito o kung mayroon kang mga katanungan o mungkahi, mangyaring ipaalam sa amin sa pamamagitan ngpakikipag-ugnayan sa Tulong.
Sa kasalukuyan, maaari nang makapagpaskil sa mga wikang hindi Ingles (sumangguni sa Can I post in languages other than English? (Makakapagpaskil ba ako sa ibang wika maliban sa Ingles?)) at kasalukuyang nasa proseso na rin ng pagsasalin ng lahat ng aming mga FAQ ang aming mga boluntaryo. Upang malaman kung maaaring makita ang mga FAQ sa iyong wika, pumunta sa pahina para sa FAQ at piliin ang iyong wika mula sa menu sa pinakatuktok ng pahina. Kung hindi mo makita ang iyong wika sa menu na ito, wala pang FAQ na naisalin sa napili mong wika. Upang malaman kung anong mga wika ang kayang isalin ng Komite ng Pagsasalin o kung nais mong mapabilang sa mga tagasalin, sumangguni sa
pahina ng impormasyon ng komite ng Pagsasalin sa site ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha).
Ano ang ginagawa ninyo upang gawing madaling puntahan ang AO3?
Layunin naming gawing katugma ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ang lahat ng kasalukuyang release ng mga kadalasang ginagamit na mga desktop browser, e-reader, screen reader, at itinakdang mga browser ng karamihan ng mga mobile na kagamitan ng iOS, Android at Windows.
May ilang mga katangian ng AO3 na hindi gagana na walang JavaScript. Kung nahihirapan ka sa pag-access ng AO3, siguraduhin na gumagana ang JavaScript. Isa sa aming mga pangunahing layunin ang siguraduhin na kaya pa ring gamitin ang mahahalagang katangian ng mga taong walang JavaScript; gayunpaman, mangyaring tandaan na para sa ibang mga hindi gaanong mahalagang mga katangian, hindi ito posible.
May ilang mga pampublikong anyo (skin), o maari ka ring lumikha gamit ang CSS upang baguhin kung paano ipinapakita ang AO3 sa iyo, ayon sa iyong sariling pangangailangan o kagustuhan. Sumangguni sa aming FAQ ukol sa mga anyo at interface ng AO3 para sa karagdagang impormasyon.
May mga pampublikong anyo na nakalaan na gamitin para sa aksesibilidad, at nakalista ang ilan sa ibaba. Para piliin ang isa sa mga anyong ito, pumunta sa pahina ng nais mong anyo (pumunta sa talatuntunan ng mga anyong pampubliko o pumili sa mga kawing sa ilalim) at piliin ang button na “Use” (gamitin) upang gamitin ang anyo.
- Default na anyo para sa may malabong paningin
- Pakay ng anyong ito ang palakihin ang espasyo at laki ng font para makatulong sa mga may malabong paningin. Sumangguni sa deskripsyon ng anyo para sa kabuuan ng mga detalye.
- anyong Reversi
- Anyong binaligtad ang kulay, na nagpapakita ng maputlang font sa madilim na likuran.
Sinisikap naming pabutihin ang aming aksesibilidad para sa pinakamalaking saklaw ng mga tagagamit. Kung makakatagpo ka ng mga problema, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa Tulong.
Gagawa ba kayo ng app para sa mga mobile na device?
Marami nang nagtanong kung gagawa kami ng app para sa mga mobile na device. Gustuhin man namin, sa kasalukuyan, kulang ang aming kakayahan para lumikha at magpanatili ng mga mobile app.
Bago kami magkaroon ng app sa iba’t ibang mga mobile na plataporma, kailangan namin ng pampublikong Application Program Interface (API). Kung wala kaming API, walang app ang makakukuha ng impormasyon mula sa database ng Sisidlan.
Bagama’t nasa aming roadmap ang paglikha ng API, may iba pang mga mahahalagang release na mauuna bago ito. Upang magka-API, kailangan namin ng matatag na code na bihirang binabago o ina-update, dahil dahil kung hindi man, kakailanganin ng aming mga coder (na pawang boluntaryo lahat) na i-update ang API kapag may pagbabago sa site, at madalas silang gumagawa ng mga pagbabago!
Sa pansamantala, mayroon kaming anyo para sa mobile para pwede mong tignan ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) gamit ang browser ng iyong device. Hindi mo kailangang piliin ang anyong ito para gamitin. Kusa siyang magagamit ayon sa sukat ng iyong browser. Pwede ka ring mag-download ng mga katha para basahin sa mga e-reader o ibang kaparehong app.
Isang paalala ukol sa seguridad: kung may ibang app o website na humiling ng iyong panlagda sa AO3, maging maingat sa pagbibigay nito, at tandaan na maaring malagay sa peligro ang seguridad ng iyong account sa pagbigay mo ng impormasyong ito. Mangyaring siguraduhing palitan ang iyong password kung nakompromiso ang iyong account sa iyong palagay.
May karagdagang detalye kami sa aming balitang paksil tungkol dito: Ukol sa mga Mobile App para sa AO3. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa pag-download ng mga katha, tumungo sa aming FAQ tungkol sa pag-download ng mga hangang-katha.
Paano dinisenyo ang tatak-panagisag, at ano ang kahulugan nito?
Dinisenyo ang tatatak-panagisag ng Archive of Our Own — AO3 (Ating Sariling Sisidlan) noong 2009 ng aming boluntaryong coder na si Bingeling, na may payo mula sa miyembro ng Komite ng Aksesibilidad, Disenyo at Teknolohiya. Karagdagang impormasyon: dapat pansamantalang tatak-panagisag lamang ito hanggang makalikha kami ng pirmihang tatak-panagisag, ngunit nagustuhan ito ng lubos ng karamihan kaya nanatili ito bilang aming tatak-panagisag.
Pinagsama-sama ang mga titik na A, O at 3, at nakaangat ang kanilang mga braso bilang pagdiriwang, na sumasagisag sa galak ng fannish na paglikha sa AO3. Galing sa paunang letra ng pamagat ng site sa Ingles ang akronimang “AO3”, Archive of Our Own – isang A at tatlong O.
Ano ang mga icon para sa kategorya ng mga relasyon? Paano ninyo pinili ito?
Base sa mga simbolong pang-astronomiya ang mga imahe na naglalarawan ng iba’t ibang opsyon sa kategorya ng mga relasyon sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan):
-
F/F
- Para sa icon ng kategorya ng relasyong Female/Female (Babae/Babae), ginamit ang simbolo ni Venus sa isang kulay-rosas na likuran. Karaniwang ginagamit aa Kanlurang kultura ang simbolo ng Venus upang kumatawan sa isang babae.
-
F/M
- Para sa icon ng kategorya ng relasyong Female/Male (Babae/Lalaki), ginamit ang simbolo ni Venus (babae) at Mars (lalaki), na may pangkaraniwang bilog, at may lilang likuran.
-
Gen
- Para sa icon ng General (Pang-madla; walang romantiko o sekswal na relasyon, o may relasyon ngunit hindi ito ang pangunahing pokus ng katha), ginamit ang simbolo para sa Araw, na may berdeng likuran.
-
M/M
- Para sa icon ng relasyong Male/Male (Lalaki/Lalaki), ginamit ang simbolo para sa Mars sa asul na likuran. Karaniwang ginagamit sa Kanlurang kultura ang simbolo ng Marte upang kumatawan sa isang lalaki.
-
Multi
- Para sa icon ng Multi (higit sa isang relasyon, o isang relasyon na may maramihang kabiyak), ginamit ang isang parisukat na nakahati sa isang-kapat na may kulay na, pakanan mula sa itaas na kaliwang pangsakat, berde, lila, asul, at kulay-rosas. Ginagamit ang mga kulay na ito dahil ito ang mga kulay ng likuran ng mga simbolo para sa F/F, F/M, Gen, at M/M, at sa gayon kumakatawan sa apat na ito.
-
Other
- Para sa icon ng relasyong Other (Iba pa), ginamit ang simbolo para sa Uranus sa itim na likuran. Kumakatawan sa Kanlurang kultura ang simbolo ng Uranus sa mga konseptong di-pagsang-ayon at ang kakayahang umangkop. Sa palagay ng pangkat para sa pagdisenyo, isa itong magandang simbolo upang kumatawan sa ibang relasyong hindi umaakma sa iba pang mga kategorya.
Saan ako maaaring sumangguni kung sakaling hindi nasagot ang aking katanungan?
Ang mga kalimitang itinatanong ukol sa Archive of Our Own - AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay sinasagot sa mas malawak na AO3 FAQ at ang ibang karaniwang terminolohiya ay makikita sa Talahuluganan. Ang mga katanungan at kasagutan ukol sa aming mga Palatuntunan ay mahahanap sa Terms of Service FAQ. Maaring naisin mo ring basahin ang aming Known Issues. Kung kailangan mo ng karagdagang tulong, ipagbigay-alam lamang sa Support (Tulong).