AO3 News

Post Header

Published:
2025-05-01 16:17:04 UTC
Original:
World Password Day: Protect Your AO3 Account
Tags:

Ngayong taon, bilang pagkilala sa Pandaigdigang Araw ng Password, inaanyayahan namin ang lahat ng mga tagahanga na maglaan ng ilang minuto upang siguraduhing ang kanilang mga password – at ang kanilang mga account sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) – ay matibay.

Kamakailan lamang, napansin ng Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso ang dumaraming bilang ng mga tagagamit na nawalan ng akses sa kanilang mga account sa AO3 dahil gumamit sila ng hindi secure na password. Nais naming bigyan ng katiyakan ang aming mga tagagamit na walang tanda na nakaranas ng data breach ang AO3. Natukoy ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso na ang impormasyon para maka-log in ng lahat ng mga apektadong tagagamit ay nakompromisa sa iba pang paraan, tulad ng aksidenteng pag-download ng malware sa kanila mga device at/o paggamit muli ng password na ginamit rin nila sa ibang website na nakompromisa.

Sa unang bahagi ng 2025, ilang malalaking dataset na naglalaman ng daan-daang milyong mga pares ng email/password na nakuha mula sa malware at mga nakompromisang website ay ipinaskil online. Karaniwang gawain para sa mga scammer na subukan ang mga nakompromisang pares ng email/password na ito sa iba pang mga website, nagbabaka-sakaling magamit muli ang mga apektadong password sa ibang website. Nagbibigay-daan ito sa scammer na ma-akses ang mga account sa mga website na hindi pa nakaranas ng data breach, gaya ng AO3. Matapos makakuha ng akses ang scammer sa isang account, maaaring baguhin ng scammer ang email, password, at/o username ng account, o ibenta ang impormasyon ng account sa ibang tao.

Kailanman ay libreng gamitin ang AO3, ngunit maaaring hindi maintindihan ng ilang tao kung paano gumawa ng sarili nilang AO3 account. Maraming maging dahilan sa likod nito, tulad ng mga hadlang sa wika at kawalan ng pamilyaridad sa aming site. Ang mga taong ito ay maaaring bumili ng impormasyon ng AO3 account batay sa maling paniniwala na ang mga AO3 account ay maaaring ibenta sa lehitimong paraan. Natutuklasan lang nila na na-scam sila kapag nakuha nang muli ng Policy & Abuse ang account para ibalik ito sa orihinal na may-ari.

Masigasig na nagtatrabaho ang Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso upang tukuyin ang mga nakompromisang account at ibalik ang mga ito sa kanilang mga orihinal na may-ari. Nakikipagtulungan din kami sa mga na-biktima ng scam na pagbebenta ng account upang makagawa sila ng sarili nilang libreng account sa AO3. Sa kasamaang palad, dahil iniisip ng ilan sa mga biktimang ito na lehitimo ang pagmamay-ari nila sa mga account na binili nila, maaaring binubura nila ang mga katha at iba pang nilalamang ipinaskil ng orhinal na may-ari ng account. Bagama't maaaring ibalik ng Patakaran at Pang-aabuso ang pagmamay-ari ng isang account, hindi namin maibabalik ang tinanggal na nilalaman.

Siguraduhing ligtas at matibay ang iyong password

Maaaring mapababa ang kahinoon mo sa mga ganitong uri ng insidente sa pamamagitan ng pagsunod sa mga mahusay na kagawiang patungkol sa seguridad sa internet:

  • Magtakda ng natatangi at ligtas na password (password generator in English) para sa bawat isang account mo sa lahat ng mga plataporma.
  • Huwag na huwag gamitin muli ang iyong password o ipamahagi ang mga ito para sa kahit na anong dahilan.
  • Gumamit ng password manager. Makakatulong ito sa pagtatakda mo ng natatangi at ligtas na mga password para sa bawat isa sa iyong mga account nang hindi nababahalang makakalimutan mo ang mga ito. Maraming mga browser ang may libre at dati nang nakalagay na password manager kung mas gusto mong huwag mag-download ng software mula sa iba.
  • Panatilihing napapanahon ang iyong antivirus software at operating system, at itakda ang mga ito upang regular na mag-scan para sa malware.
  • Tingnan ang website na haveibeenpwned.com (website in English) upang makita kung maaaring nalantad ang iyong mga email, password, at iba pang impormasyon sa mga data breach. Baguhin ang iyong mga password para sa mga website na may breach, at alinmang account sa iba pang mga site kung saan maaaring ginamit mo ang parehong password.

Kung nangangamba kang ang iyong AO3 account ay may panganib na makompromisa, mangyaring gawin ang mga sumusunod:

  • Kaagad na palitan ang iyong password. Awtomatikong ila-log out ka nito – at sinumang ibang may-akses sa iyong account – sa lahat ng kasalukuyang paggamit sa lahat ng device.
    • Kung nakalimutan mo ang iyong password ngunit mayroon kang akses sa email address na nakaugnay sa iyong AO3 account, maaari kang mag-log out at baguhin ang iyong password.
    • Kung nakalimutan mo ang iyong password, at wala ka nang access sa email address na ginamit mo para sa iyong account, mangyaring makipag-ugnayan sa Tulong.
  • Siguraduhin na regular mong tinitingnan ang email address na kaugnay sa iyong AO3 account, dahil dito ipapadala ang lahat ng mga pabatid tungkol sa iyong account. Kung kailangan mong i-update ang iyong email address, mangyaring sumangguni sa aming FAQ ukol sa pagpapalit ng email.

Kung nakatanggap ka ng email mula sa @archiveofourown.org na nagsasabing ang email na kaugnay sa iyong account ay binago tungo sa email na hindi mo nakikilala, at hindi ka na makapag-log in sa iyong account, mangyaring makipag-ugnayan sa Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso. Itinuturing ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso ang mga nakompromisang account na mayroong mataas na prayoridad, at makikipagtulungan sila sa iyo sa pamamagitan ng email upang ibalik ang iyong account. Kung mahigit isang linggo na at wala pang narinig mula sa isang boluntaryo sa Patakaran at Pang-aabuso tungkol sa katayuan ng iyong account, maaaring tingnan lamang ang iyong email (kabilang ang anumang spam, social, o iba pang mga folder) bago tumugon sa aming email o magsumite ng bagong ulat sa Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso.

Muli, nais naming bigyang-diin na wala pang insidente ng anumang breach ang naganap sa mga server ng AO3. Naglilinang din kami at nagpapatupad ng mga karagdagang hakbang upang makatulong na maiwasan ang hindi awtorisadong pag-akses sa mga AO3 account. Gayunpaman, ang iyong account ay kasing-ligtas lamang ng iyong password at email. Hinihikayat namin ang lahat ng mga tagagamit na maglaan ng ilang minuto ngayon upang matiyak na ang iyong AO3 password ay natatangi at ang iyong email address ay napapanahon.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment

Post Header

Published:
2025-04-14 00:47:35 UTC
Original:
April 2025 Membership Drive: Thanks for your Support
Tags:

Kampanya Para Sa Pagiging Kaanib ng OTW, 11–13 Abril 2025

Tapos na ang pang-Abril na Kampanya Para Sa Pagiging Kaanib ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) at ikinagagalak naming sabihin na natapos ito nang may kabuuang halaga na US$269,766.01. Higit nitong nalampasan ang aming inaasahang kabuuan na US$75,000.00. Ang mga donasyon na ito ay mula sa 8,216 katao na galing sa 82 na bansa: maraming salamat sa bawat isa sa inyo, pati na rin sa mga nagpaskil at nagbahagi ng balita tungkol sa kampanya!

Ikinatutuwa rin namin na 7,064 na mga nagkaloob ng donasyon ang pumili na kumuha o magpanumbalik ng kanilang pagkakaanib. Hindi mapapanatili ang OTW kung wala ang mga miyembro nito mula sa iba't ibang panig ng mundo, at ang inyong patuloy na pagsuporta ay aming ipinagmamalaki at ikinagagalak! Masaya kaming malaman na ang aming misyon na suportahan, protektahan, at buksan ang kasaysayan ng mga hangang-katha at kultura ng mga tagahanga ay patuloy na itinatangkilik ng mga taong aming pinakapinahahalagahan: ang mga tagahanga mismo.

Kung binalak mong magbigay ng donasyon o sumali at hindi pa ito nagagawa, huwag mag-alala! Tumatanggap ang OTW ng mga donasyon sa buong taon at maaari mong piliin na maging miyembro gamit ng isang donasyon na US$10 o higit pa. Ang pagkakaanib ay tumatagal ng isang taon magmula sa petsa ng iyong donasyon, kaya kung ikaw ay magkakaloob ng donasyon, ikaw ay makakaboto sa eleksyon para sa Lupon ng mga Tagapangasiwa ng OTW ngayong 2025, na mangyayari ngayong Agosto. Maaaring makuha ang aming mga natatanging regalo para sa pasasalamat kapag ikaw ay nagkaloob ng donasyon!


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment

Post Header

Published:
2025-04-13 19:22:10 UTC
Original:
April 2025 Membership Drive: For Fans, by Fans
Tags:

Kampanya Para Sa Pagiging Kaanib ng OTW, 11–13 Abril 2025

Simula nang itatag ito noong 2007, ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ay pinapatakbo ng mga tagahanga, para sa mga tagahanga. Labis naming ikinagagalak ang patuloy na paglaking interes at suporta ng mga tagahanga ng iba’t ibang henerasyon sa buong mundo sa aming mga proyekto, at lubos din kaming nagpapasalamat sa pinansyal na suporta mula sa mga miyembro at tagapagbigay ng donasyon ng OTW, na siyang tumulong sa pagbuo ng reserbang pondo habang patuloy naming tinutustusan ang pang-araw-araw na gastusin ng aming mga proyekto. Ang mga pondo na ito at ang inyong bukas-palad na suporta at kabutihan ay mahalaga kapag nakakaranas ng mga isyu ang isa sa aming mga proyekto, katulad ng pagtigil ng operasyon at panahon ng pagbagal na naranasan ng Archive of Our Own - AO3 (Ating Sariling Sisidlan) sa nakalipas na mga buwan. Patuloy naming isinasagawa ang mga mahalagang hakbang upang masolusyunan ang mga problemang ito at nananatiling lubos na nagpapasalamat sa inyong suporta at pasensya sa panahong ito.
Habang ang aming mga boluntaryo ay patuloy na nagsusumikap upang mapanatili ang katatagan ng AO3, muling pinatunayan ng panahong ito ang lakas at tibay ng mga tagahanga. Salamat sa inyong mga bukas-palad na donasyon at patuloy na suporta, nagawa naming mapanatili ang AO3 at ang aming iba pang mga proyekto, na tumatakbo bilang isang organisasyong di-pangkalakal na pinangangasiwaan ng aming mga boluntaryo. Dahil dito, nais naming hikayatin kayo na magbigay ng donasyon at maging miyembro sa aming kauna-unahang naming kampanya para sa pagiging kaanib ngayong taon!
Tulad ng dati, naghanda kami ng iba't ibang mga regalo para sa mga donasyon:

Nais mo bang ipakita ang iyong pagmamahal para sa AO3 kahit saan ka man pumunta? Gamit ang isang donasyon na naghahalagang US$100, maaari mong nang isulat ang iyong mga tala at dalhin ang bahagyang piraso ng iyong fandom sa iyong bag gamit ang isang bagong 5.5"×7.5" (14 cm x 19 cm) na AO3 na kuwaderno!

Isang pulang 5.5x7.5 in na kuwadernong binabalot ng balat na may imahe ng pugay ng AO3.

Sa pamamagitan ng pag-donate ng US$45, maaari kang makakuha ng seleksyon mula sa aming koleksyon ng sticker (humanda para sa isang sorpresa)!

Iba't ibang stickers mula sa mga nakaraang kampanya para sa pagiging kaanib.

Maaari ka ring maging miyembro ng OTW sa pamamagitang ng donasyon na naghahalagang US$10 o higit pa. Mangyaring tandaan na ang pagiging miyembro ng OTW ay hindi katulad ng pagkakaroon ng account sa AO3—ang mga miyembro ng OTW ay maaaring bumoto para sa taunang halalan ng Lupon ng mga Tagapangasiwa ng OTW, at ang kanilang impormasyon ay hindi nakaugnay sa iba nilang mga account sa AO3, Fanlore, o sa iba pa naming mga proyekto.

Maaari ka ring magtayo ng umuulit na donasyon at mag-ipon para sa regalong nais mo. Matapos mong piliin ang regalong gusto mo, ang iyong mga donasyon sa hinaharap ay maaaring idagdag sa kabuuan, kahit hindi sapat ang donasyon mo sa kasalukuyan. Para sa inyo na nasa U.S., maaari niyong idoble ang iyong donasyon sa pamamagitan ng pagtugma ng donasyon ng tagapag-empleyo: mangyaring makipag-ugnayan sa iyong departamentong HR upang malaman kung ito ay maaari mong gawin.

Interesado ka bang malaman kung paano nagagastos ang mga donasyon? Bisitahin ang aming mga pinaskil na badyet sa nakaraan o mga taunang ulat para sa karagdagang impormasyon. Kung may iba ka pang mga tanong tungkol sa mga donasyon at pagiging miyembro, maaari mong bisitahin ang aming FAQ o makipag-ugnayan sa Pagpapaunlad at Kaaniban.

Habang ang aming mga miyembro at kanilang mga donasyon ay mahalaga upang mapanatili naming tumatakbo ang aming mga proyekto tulad ng Fanlore, Open Doors, Legal Advocacy (Ligal na Pagtataguyod), Transformative Works and Cultures - TWC (Nagbabagong Katha at Kultura), at ang AO3, huwag magambala kung hindi ka makakatulong sa pinansyal na pamamaraan! Kami’y nagpapasalamat sa walang-sawang suporta at paninindigan ng komunidad na ito: sa pamamagitan man ng paglathala o pagkomento sa isang katha sa AO3, pamamatnugot sa Fanlore, o pakikipag-ugnayan sa Open Doors tungkol sa mga sisidlan ng mga hangang-katha na nanganganib.Maaari mo ring tignan ang aming Pahina ng Pagboboluntaryo para malaman kung paano mas makilahok sa pamamagitan ng mga pagkakataon sa bolunterismo.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment

Post Header

Published:
2025-03-23 17:02:35 UTC
Original:
Comment Rate Limits for Logged-In AO3 Users
Tags:

Sa mga nakaraang buwan, nakaranas ang Archive of Our Own – AO3 (Ang Aming Sariling Sisidlan) ng pagdami ng mga komentong spam mula sa mga rehistradong tagagamit. Upang maiwasan ang mga komentong ito, na kadalasan ay humihingi ng impormasyon para sa pag-kontak, o 'di kaya'y nag-aalok ng komisyon o kolaborasyon para sa sining, sisimulan namin ang pagtatakda ng rate limit o limitasyon sa tulin ng pagkomento at iba pang mga pagkilos para sa mga tagagamit na naka-log in. Inaasahan namin ang mga limitasyong ito ay maipapatupad sa mga susunod na araw.

Bilang resulta ng mga limitasyong ito, maaaring makakuha ka ng babalang mensaheng nagsasabing "Retry later" (Subukan muli mamaya), lalo na kung nag-iiwan o nagbabago ng maraming komento sa maikling panahon. Layunin naming mapabagal ang mga spammer nang hindi masyadong nararamdaman ng mga totoong nagkokomento. (Ibig sabihin nito, hindi rin namin maaaring banggitin kung ano ang tiyak na bilang ng limitasyon, pero iminumungkahi naming maghintay ng 15 minuto bago subukang muli.)

Kapag nailapat na ang mga limitasyong ito, pag-iisipan rin naming subukan ang ibang mga pamamaraang inaasahang makakabawas ng spam na mas lalo pang hindi makakaabala sa mga lehitimong tagagamit. Humihingi kami ng paumanhin sa abalang naidulot at pinapahalagahan namin ang iyong pag-unawa sa paghanap namin ng balanse na tumutugon sa pangagailangan ng bawat isa.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment

Post Header

Published:
2025-02-24 15:54:14 UTC
Original:
Intermittent site slowness and errors
Tags:

Mula noong katapusan ng Disyembre 2024, ang Archive of Our Own – nakaranas ang AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ng maraming panahon ng pagbagal, pagtigil ng operasyon, at mga kaugnay na isyu kagaya ng nawawalang email ng kudos at naantalang paanyaya. Tinutugunan namin ang sitwasyon, ngunit pinagtuunan din namin ng pansin ang ilang mahahalagang updates sa aming imprastraktura, kaya’t kahit naisin namin, hindi kami nakapaglaan ng sapat na oras upang mapahusay ang kakayahan ng sistema. Inaasahan naming magpapatuloy ang kaunting pagbagal at panandaliang pagtigil ng operasyon hanggang sa maihatid at ma-install ang aming mga bagong servers sa loob ng ilang buwan.

Una naming napansin ang bahagyang pagkapuwersa sa mga server na ginagamit namin para sa Elasticsearch (na nagpapatakbo ng paghahanap at pag-filter) sa kalagitnaan ng nakaraang taon. Hindi pa handa noon ang nais naming mga bagong server, kaya ginamit muna namin ang ilan sa mga ibang server upang ibaling ang bigat sa Elasticsearch habang hinihintay ang bagong hardware.

Sa kasamaang-palad, hindi pa handa ang mga hardware noong inilabas ito noong Oktubre, at hindi kinaya ng aming pansamantalang solusyon ang pagdami ng gumagamit ng site na karaniwan naming nararanasan sa pagtapos ng bawat taon. Dahil dito, nagkaroon ng panahon ng kapansin-pansing pagbagal sa mga nakaraang linggo.

Naging handa na sa wakas ang nais naming mga server ay noong unang bahagi ng Enero, at natapos rin namin ang proseso ng pagkuha ng mga mga presyo at pagpasa ng kahilingang mabili noong ika-15 ng Enero. Nakumpirma ang aming pagbili noong ika-28 ng Enero, ngunit aabutin pa ng ilang buwan bago mahatid at ma-install ang mga server.

Tinataya naming magiging handa ang mga bagong server ng Elasticsearch pagsapit ng unang bahagi ng Abril. Hanggang sa panahong iyon, maaaring maranasan ang mga sumusunod na isyu, lalo na sa mga oras ng kasagsagan ng trapiko:

  • mas mabagal ang pag-load ng lahat ng pahina
  • mas matagal mag-update ang mga pahinang pinapagana ng Elasticsearch tulad ng resulta ng paghahanap at listahan ng mga akda at palatandaan
  • pahina ng mga error
  • awtomatikong pag-check mula sa Under Attack na mode ng Cloudflare
  • mahigpit na limitasyon sa mga kahilingan (paliwanag sa Ingles)
  • mga aberya sa mga serbisyo tulad ng Wayback Machine o mga RSS na account ng Tumblr na umaasa sa mga bot, mga scraper, o iba pang awtomatikong kagamitan, na binibigyan ng mas mababang priyoridad upang unahin ang trapiko mula sa mga gumagamit ng site

Bukod sa mga bagong Elasticsearch na server, bibili rin kami ng limang database na server upang mapabuti ang kapasidad at tibay ng aming database cluster. Sa kasalukuyan, hindi sapat ang kakayahan ng aming database upang pagsabayin ang pagdami ng trapiko at ilang uri ng pagpapanatili sa site. Kaya naman minsa’y kinakailangan naming pansamantalang itigil ang operasyon ng AO3 upang ayusin ang mga isyu ng database, tulad ng aming maintenance noong Pebrero 7 (ang Tumblr post ay Ingles). Ang karagdagang hardware ay makakatulong upang maiwasan ang ganitong sitwasyon sa hinaharap, ngunit aabutin pa ng kaunting panahon bago makumpleto ang pagbili at pag-install ng mga server. Wala kaming nakikitang ang anumang isyu sa database habang hinihintay ito, at walang panganib na may mawalang datos.

Humihingi kami ng paumanhin sa mga abala, at lubos naming pinahahalagahan ang inyong pasensya at ang inyong bukas-palad na mga donasyon, na nagbibigay-daan upang makabili ng ganitong mga kagamitan.

Para sa update hinggil sa pagbagal, pagtigil ng operasyon, o iba pang isyu, mangyaring sundan ang @AO3_Status sa Twitter/X (sa Ingles) o ao3org sa Tumblr (sa Ingles). Kasalukuyan din naming isinasagawa ang pag-set up ng isang status account sa Bluesky (sa Ingles) at ang status page (sa Ingles), ngunit kasalukuyang inaayos pa ang mga ito at maaaring hindi pa kumpleto ang mga update rito, kaya’t mangyaring tignan ang Twitter/X o Tumblr para sa tiyak at kumpletong listahan ng mga update.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment

Post Header

Published:
2025-02-16 14:42:12 UTC
Original:
Welcome to Feedback Fest 2025
Tags:

Isang word bubble na gawa sa mga tugon mula sa iba’t ibang wika na nakapalibot sa titulong Feedback Fest

Halina sa International Fanworks Day – IFD (Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha) Feedback Fest ng 2025!

Ang ating tema para sa IFD 2025 ay Fan Communities are Ecosystems, kung saan natin ipagdiwang ang pagkakaiba-iba sa fandom at sa mga hangang-katha, at ang bukod-tanging ekosistema na nagagawa nito.

Ninanais mo bang sumama sa Feedback Fest ng taong ito? Ito ang dapat mong gawin!

Mag-iwan ng komento sa post na ito na nagrerekomenda ng 10 hangang-katha. Sabihin mo kung bakit mo mahal ang mga kathang ito at bakit dapat silang pagtuunan ng pansin. Maaari ka ring magbahagi ng link sa rekomendasyong ginawa mo sa ibang lugar, o gumawa ng bagong post na nagrerekomenda gamit ang iyong mga account sa social media gamit ang tag na #FeedbackFest2025. Isaalang-alang ang pagkakaiba-iba ng mga hangang-katha sa rekomendasyon mo — maari kang magbahagi ng katha, podfics, fanart, zines, sisidlan, koleksyon, peryodika, at anumang magbibigay ng tuwa sa iyo sa loob ng fandom. Walang imposible!

Habang tinitignan ang mga rekomendasyon, maganda ring mag-iwan ng feedback — mga komento, mga kudos, mga likes — para rin sa mga manlilikha! Huwag mag-atubiling suportahan ang mga rekomendasyon ng iba na iyong nagustuhan. Ang #FeedbackFest ngayong taon ay tungkol sa pagiging bahagi ng isang ekosistema ng fandom, kaya ipamigay ang tuwa!

Simulan mo ang iyong mga rekomendasyon, at magkikita-kita tayo — muli, bumabati kami ng maligayang #IFD2025!


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW . Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment

Post Header

Published:
2025-02-08 17:02:19 UTC
Original:
What We’re Doing for #IFD2025
Tags:

Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha

Kakaunting araw na lamang ang natitira bago ang ika-15 ng Pebrero, ibig sabihin ay malapit na ang ika-labing-isang Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha! Para sa #IFD2025, marami kaming hinandang aktibidad para sa mga tagahanga sa buong mundo. Tingnan ang mga ito ngayon para malaman kung ano ang mga aktibidad na maaari mong lahukan!

  • Feedback Fest: Gaya ng dati, gagawin namin ang aming taunang feedback fest! Ito ang iyong pagkakataon para sabihin sa iba ang iyong mga paboritong katha na kaugnay ng iyong mga fandom, fic dynamics o mga bagay na tingin mo'y may malaking epekto sa ecosystem ng fandom! Hanapin ang aming paskil tungkol sa Feedback Fest sa ika-13 Pebrero, pagkatapos ay mag-iwan ng comment na may mungkahi ng 10 na hangang-katha! Sa social media, gamitin ang tag na #FeedbackFest kapag magpapaskil.
  • Gamit ang mga tag na #IFD2025 o #IFDChallenge2025, ibahagi ang iyong karanasan sa fandom bilang mga ecosystem sa social media!
  • Lagyan ng aming tag para sa International Fanworks Day 2025 (Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha 2025) ang iyong mga katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) na nakasentro sa mga komunidad ng mga taga-hanga!
  • Hindi lang sa AO3 ang mga kasiyahan: magdiriwang din ang Fanlore, ang wiki ng OTW (Organisasyon ng Nagbabagong Katha) para sa kasaysayan ng paghanga at kultura! Mangyayari ang hamon mula Pebrero 10-16 at magkakaroon ng bagong hamon ng pamamatnugot na kailangang makumpleto bawat araw. Para makilahok, sumangguni sa pahina ng IFD 2025 Fanlore Challenge para sa karagdagang impormasyon.
  • Mga Laro at Fan Chat: Sa ika-15 ng Pebrero, magkakaroon ng chat sa Discord ng OTW. Samahan kami mula 21:00 UTC ng ika-14 ng Pebrero (Anong oras iyon para sa akin?) hanggang 03:00 UTC ika-16 ng Pebrero (Anong oras iyon para sa akin?) para maglaro ng trivia games at makipag-usap sa ibang taga-hanga! Pangangasiwaan ang chat room sa wikang Ingles, at magpapaskil kami ng detalyadong palatuntunan sa ika-15.

Maraming salamat sa pagsali at pagiging bahagi ng kultura ng paghanga sa buong taon. Kita-kita tayo sa #IFD2025!


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment

Post Header

Published:
2025-01-16 20:35:51 UTC
Original:
International Fanworks Day 2025 Is Coming Soon!
Tags:

Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha

Humanda sa paparating na Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha! Sa ika-15 ng Pebrero, muli na naman tayong magsasama-samamula sa iba’t ibang dako ng fandom para sa ika-11 na taunang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha. Una itong ginanap noong 2014 upang ipagdiwang ang ika-isang milyong hangang-katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), upang kilalanin at ipagbunyi ang lahat ng anyo ng hangang-katha – isinulat na katha, sining, podfic, zine, at iba pa – bilang mahahalagang bahagi ng fandom.

Ang tema ng Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha ngayong taon ay Fan Communities are Ecosystems (“Ang Komunidad ng mga Tagahanga ay Mga Ekosistema”) ay kumikilala at pinapalawak ang ideya ng pagkakaiba-iba sa loob ng fandom: hindi lamang maraming uri ng mga hangang-katha, kundi marami ring pamamaraan ng pakikibahagi sa fandom: pagbabasa, pagpupuna, pagtatrabaho sa mga fan wiki, paggawa ng sining, pagsusulat, at iba pa! Lumilikha ng mga natatanging ekosistema ng fandom ang pagtutulungan ng iba’t ibang mga tagahanga, at nais naming ipagdiwang ito kasama ka ngayong taon. Mula ngayon hanggang sa Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha, inaanyayahan naming makibahagi kayo sa ilang mga aktibidad na aming ihahanda :

  • Sumali sa aming Feedback Fest at irekomenda ang iyong paboritong katha tungkol sa (kathang-isip) na komunidad at dinamikong panlipunan. O irekomenda ang anumang nakaapekto sa ekosistema ng iyong fandom! Interesado ka ba? Abangan ang aming paskil sa ika-13 ng Pebrero!
  • I-tag ang iyong mga katha sa AO3 na may kinalaman sa komunidad ng mga tagahanga gamit ang tag na International Fanworks Day 2025 (Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha)!
  • Ibahagi sa social media ang iyong karanasan sa mga fandom bilang mga ekosistema gamit ang mga tag na #IFD2025 or #IFDChallenge2025

Inaabangan namin ang inyong mga kontribusyon! Kung gusto mong lumahok sa ibang paraan, pwedeng-pwede mo rin itong gawin. Kung ikaw o ang iyong komunidad ng tagahanga ay nagbabalak na magpasinaya ng sarili ninyong aktibidad para sa Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha, ipagbigay-alam ito sa amin upang mapalaganap namin ito! Maaari ninyong gamitin ang mga tag na nabanggit sa taas.

Mag-aanunsyo kami ng iba pang aktibidad para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Hangang-Katha ngayong 2025, kaya bantayan ang aming mga social media channels.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.

Comment


Pages Navigation