Ano ang palatandaan sa AO3?
Ang palatandaan sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay isang tala ng kathang gusto mong tandaan, mahanap nang mas madali, o iwanan ng tala. Ang mga palatandaang nilikha sa AO3 ay maaari ring magsilbi bilang rekomendasyon sa ibang tagagamit.
Naiiba ang mga palatandaan sa subskripsyon. Para sa karagdagang impormasyon sa pinagkaiba ng mga palatandaan sa mga subskripsyon, sumangguni sa Ano ang pinagkaiba-iba ng mga palatandaan, "Mark for Later" (Markahan para sa Hinaharap), at mga subskripsyon? Kung gusto mong masabihan kapag nagpaskil ng panibagong katha ang isang partikular na tagagamit, pumunta sa Paano ako magkakaroon ng subsripsyon, o paano tatanggalin ang subskripsyon, sa isang tagagamit?
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano gumagana ang mga palatandaan sa AO3, sumangguni sa Ano ang magagawan ko ng palatandaan?
Ano ang magagawan ko ng palatandaan?
Kahit anong katha o serye na nakapaskil sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay maaaring gawan ng palatandaan. Kaya mo ring gumawa ng mga palatandaan para sa mga kathang nakapaskil sa ibang website.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano gumawa ng mga palatandaan, sumangguni sa Paano ko gagawan ng palatandaan ang kathang nasa AO3? at Paano ko gagawan ng palatandaan ang kathang wala sa AO3?
Paano ko gagawan ng palatandaan ang kathang nasa AO3?
Ang mga katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay maaaring gawan ng palatandaan gamit ang button na "Bookmark" (Palatandaan). Kapag gamit ang karaniwang anyo ng site, ang "Bookmark" na button ay matatagpuan sa itaas at ibaba ng pahina ng katha. Para sa isang serye, ang button na "Bookmark Series" (Pananda ng Serye) ay nasa pinaka-itaas ng pahina ng isang serye.
Ang paglalarawan at mga tag ng manlilikha ay awtomatikong dinadagdag sa palatandaan. Kaya mo ring magdagdag ng pangsariling tala o tag para sa katha. Ang mga tala ay maaaring para sa kahit anuman, tulad ng maiikling pagsusuri o mga pansariling paalala. Maaaring gamitin ang mga tag upang mas madaling uriin at salain ang iyong mga palatandaan. Para sa karagdagang impormasyon sa pagdaragdag ng tag sa mga palatandaan, pumunta sa Paano ba dapat i-tag ang aking mga palatandaan?
Maglagay ng kahit anong opsyonal na impormasyon na nais mong itala sa palatandaan. Kung mayroon kang ilang sagisag-panulat, kaya mong baguhin kung sa aling sagisag-panulat nabibilang ang palatandaan, gamit ang menu sa itaas ng seksyon para sa palatandaan. Ang iyong default na sagisag-panulat ay awtomatikong nakapili. Para sa karagdagang impormasyon sa mga sagisag-panulat, sumangguni sa FAQ para sa mga Sagisag-panulat.
Para magdagdag ng palatandaan sa isang koleksyon na nilikha na, ilagay ang pangalan ng ninanais na koleksyon sa patlang na "Add to collections" (Idagdag sa Mga koleksyon), at pagkatapos ay piliin ito sa listahan. Para sa karagdagang impormasyon, tumungo sa FAQ para sa mga Koleksyon.
Maaaring markahan ang mga palatandaan na pansarili lamang. Kung mamarkahan mo ang isang palatandaan bilang pansarili, walang ibang makakakita nito kundi ikaw. Kahit ang manlilikha ng katha ay hindi malalaman kung sino ang gumawa ng palatandaan o kahit anong komento o tag na iyong dinagdag – makikita lamang nila na may gumawa ng palatandaan. Tuwing tumitingin ka sa mga palatandaan, ang mga nakamarka bilang pansarili ay magkakaroon ng icon ng kandado sa lagom. Para sa karagdagang impormasyon, sumangguni sa Paano ko pamamahalaan kung sino ang makakakita ng aking mga palatandaan?
Maaari mo ring markahan ang palatandaan bilang "Rec" (Rekomendasyon). Ang "Rec" ay pinaikling "recommendation" (rekomendasyon). Kung mamarkahan mo ang isang palatandaan bilang Rec, maisasama ito sa mga resulta kung maghanap ang isang tagagamit sa mga Rec. Sa pagtitingin ng mga palatandaan, ang mga minarkahang Rec ay may hugis-pusong icon sa lagom ng katha. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga Rec, sumangguni sa Ano ang pinagkaiba ng palatandaan sa Rec?
Kung iyong markahan ang isang palatandaan bilang Pansarili at bilang Rec, ang makikita lamang ay ang icon ng kandado, at hindi magpapakita ang Rec sa mga resulta ng paghahanap. Samakatuwid, kung nais mong markahan ang isang palatandaan bilang Rec, mas mainam na gawin itong panglahatan at hindi pansarili lamang. Ang isang palatandaang hindi nakamarka bilang Pansarili o Rec ay magpapakita sa iyong mga palatandaan at makikita ng ibang mga tao tuwing titignan nila ang iyong mga Palatandaan.
Pagkatapos mong mamili ng iyong mga nais na setting para sa palatandaan, piliin ang "Create" (Lumikha) na button para likhain ang iyong panibagong palatandaan.
Paano ko gagawan ng palatandaan ang kathang wala sa AO3?
Ang mga kathang wala sa AO3 ay maaaring gawan ng palatandaan sa pamamagitan ng kawing na "My Bookmarks" (Aking Mga Palatandaan) na nasa ilalim ng menu ng "Hi (Mabuhay), [lumagda]!", sa itaas ng kahit anong pahina sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Mula sa pahina ng Bookmarks (Mga Palatandaan), piliin ang button na "Bookmark External Work" Gawan ng Palatandaan ang Kathang Wala sa AO3), na mahahanap sa kanang-itaas ng pahina tuwing gamit ang karaniwang anyo.
Kung mayroon kang maraming sagisag-panulat, maaari mong baguhin kung sa aling sagisag-panulat maikakawing ang palatandaan na ito, gamit ang menu sa itaas ng seksyon ng palatandaan. Ang iyong karaniwang sagisag-panulat ang awtomatikong nakapili. Para sa karagdagang impormasyon sa mga sagisag-panulat, sumangguni sa FAQ Ukol sa Mga Sagisag-Panulat.
Ang impormasyong nakatala sa sumusunod na dalawang seksyon–External Work (Kathang wala sa AO3) at Creator's Tags (Mga Tag ng Manlilikha)–ay hindi maaaring baguhin pagkatapos likhain ang palatandaan.
Sa seksyon para sa Kathang Wala sa AO3, may mga patlang para sa URL ng katha, pangalan ng manlilikha, at pamagat ng katha. Kailangang maglagay ng impormasyon dito. Kung iyong nanaisin, maaari ring ilagay ang orihinal na paglalarawan ng manlilikha sa patlang na "Creator's Summary" (Lagom Ayon sa Manlilikha).
Sa seksyon para sa Mga Tag ng Manlilikha, maaari kang magtala ng impormasyon ukol sa katha na nagmula sa manlilikha mismo, tulad ng rating ng katha at kategorya, pati na rin ang mga tag para sa relasyon at tauhan. Kailangang maglagay nang kahit isang fandom tag sa patlang na "Fandoms". Kung hindi pa nilikha sa AO3 ang iyong ninanais na tag, maaaring likhain ito sa pamamagitan ng paglagay nito sa tamang patlang. Sumangguni sa Bakit wala pa sa AO3 ang isang tag na gusto kong gamitin? o sa FAQ Ukol sa Mga Tag para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano lumikha ng mga tag.
Sa seksyon na Write Comments (Magsulat ng Mga Komento), maaari kang maglagay ng iyong mga personal na tala at tag para sa katha. Maaari mo ring idagdag ang palatandaan na ito sa isang koleksyon na nilikha na sa AO3. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano ito gawin, tumungo sa Paano ako gagawa ng isang koleksyon ng mga palatandaan?
Panghuli, sa seksyon na Choose Type and Post (Piliin ang Uri at Ipaskil), maaaring markahan ang palatandaan bilang Private (Pansarili) at/o bilang Rec. Para sa karagdagang impormasyon, sumangguni sa Paano ko pamamahalaan kung sino ang makakakita ng aking mga palatandaan? at Ano ang pinagkaiba ng palatandaan sa Rec?
Magsigurado at muling suriin ang seksyon ng Kathang Wala sa AO3 at Mga Tag ng Manlilikha, sapagkat ang impormasyong naroroon ay hindi maaaring baguhin pagkatapos likhain ang palatandaan. Pagkatapos mong punan ang form, piliin ang button na "Create" (Likhain) upang likhain ang palatandaan.
Kung hindi mo na nais na likhain ang bookmark, piliin lamang ang button na "My Bookmarks" (Aking Mga Palatandaan), at ibabalik ka sa pahina ng iyong mga palatandaan, nang hindi nililikha ang palatandaan.
Ano ang bookmarklet para sa mga Kathang wala sa AO3 at paano ito gumagana?
Ang External Bookmarks Bookmarklet (Bookmarklet ng Mga Palatandaan Para sa Mga Kathang Wala sa AO3) ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay isang kawing na JavaScript na maaaring idagdag sa mga palatandaan ng iyong browser. Maaari itong puntahan sa pahinang Bookmark an External Work (Gawan ng Palatandaan ang Kathang Wala sa AO3), sa kawing ng "My Bookmarks" (Aking Mga Palatandaan) sa ilalim ng "Hi (Mabuhay), [lumagda]!" na menu na mahahanap sa itaas ng kahit anong pahina sa AO3. Mula sa iyong pahina ng Bookmarks (Mga Palatandaan), piliin ang button na "Bookmark External Work" (Gumawa ng Palatandaan para sa Kathang Wala sa AO3), na mahahanap sa kanang-itaas ng pahina tuwing gamit ang karaniwang anyo.
Sa pamamagitan ng bookmarklet, mabilis kang makagagawa ng mga palatandaan sa AO3 para sa mga kathang nakapaskil sa ibang site. Kapag pinili mo ang bookmarklet habang tumitingin ng katha sa ibang site, lalabas ang pahina para sa Paggawa ng Palatandaan para sa Kathang Wala sa AO3, na may awtomatikong nakatala na impormasyon ukol sa katha (kung maaari). Kailangang nakalagda ka sa iyong account sa AO3 upang gamitin ang bookmarklet.
Iba-iba ang pamamaraan ng pagdagdag ng bookmarklet ayon sa browser. Kaya ng karamihan ng mga browser na magdagdag ng bookmarklet sa iyong mga palatandaan o bar para sa mga paborito, tulad ng mga pangkaraniwang palatandaan o paborito, at kailangan lamang piliin ito upang paganahin. Para malaman kung paano idagdag ang bookmarklet sa iyong browser, sumangguni sa mga file ng tulong para sa browser.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano gumawa ng palatandaan para sa kathang wala sa AO3, o para malaman kung paano makarating sa pahinang New External Work (Panibagong Kathang Wala sa AO3), sumangguni sa Paano ko gagawan ng palatandaan ang kathang wala sa AO3?
Paano ko babaguhin ang isang palatandaan?
May dalawang paraan para baguhin baguhin ang isang palatandaan: mula sa katha o serye mismo na iyong ginawan ng palatandaan, o mula sa iyong pahina ng Bookmarks (Mga Palatandaan).
Kapag ika'y nasa pahina ng katha o seryeng iyong ginawan ng palatandaan, magkakaroon ng button na "Edit Bookmark" (Baguhin ang Palatandaan) sa itaas at ibaba ng katha, o sa itaas ng pahina ng isang serye. Sa pagpili ng button na iyon, dadalhin ka sa form para sa palatandaan, kung saan maaari mong gawin ang iyong mga pagbabago.
Kapag ika'y nasa sa iyong pahina para sa Mga Palatandaan, unang hanapin ang palatandaang iyong nais baguhin. (Ang pahina para sa Mga Palatandaan ay maaaring puntahan mula sa menu na "Hi (Mabuhay), [lumagda]!".) Piliin ang button na "Edit" (Baguhin) sa ilalim ng pahayag na "Bookmarked by (Ginawan ng palatandaan ni) [lumagda/sagisag-panulat]". Maglalabas ito ng form na hawig sa form nang paglilikha ng palatandaan, kung saan maaari mong baguhin ang palatandaan, ayon sa iyong nais. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano puntahan ang iyong pahina para sa mga palatandaan, sumangguni sa Paano ko pupuntahan ang aking mga palatandaan?
Paano ko buburahin ang isang palatandaan?
Maaari kang magbura ng mga palatandaan mula sa iyong pahina ng Bookmarks (Mga Palatandaan):
- Habang ika'y nakalagda, piliin ang "My Bookmarks" (Aking Mga Palatandaan) mula sa "Hi (Mabuhay), [lumagda]!" na menu sa pinaka-itaas ng pahina.
- Sa iyong pahina ng mga palatandaan, hanapin ang palatandaan na iyong gustong burahin. Alalahanin ang mga sumusunod:
- Maaaring uriin at salain ang pahina ng Mga Palatandaan, tulad ng kahit anong resulta sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), gamit ang form ng Sort and Filter (Uriin at Salain) sa gilid ng pahina. Sa mobile device, piliin ang "Filters" (Mga Pangsala) para makita ang form.
- Depende sa dami ng iyong mga palatandaan, maaari kang magkaroon ng ilang pahina ng mga palatandaan. Ang palatandaang iyong hinahanap ay maaaring wala sa pinakaunang pahina na iyong makikita.
- Piliin ang button na "Delete" (Burahin) sa ilalim ng pahayag na "Bookmarked by (Ginawan ng Palatandaan ni) [lumagda/sagisag-panulat]".
- Uudyukin kang kumpirmahin ang pagbura ng palatandaan, sa pamamagitan ng dialog box na nagsasaad na, "Are you sure you want to delete this bookmark?" (Sigurado ka bang gusto mong burahin ang palatandaang ito?).
- Kung iyong pipiliin ang "OK", buburahin ang palatandaan at ang pahina ay muling magpapakita na may mensaheng: "Bookmark was successfully deleted." (Nabura na ang palatandaan) sa pinaka-itaas.
- Kung iyong pipiliin ang "Cancel" (Kanselahin), hindi mabubura ang palatandaan.
Kailangang gawin ito para sa bawat palatandaan na nais mong burahin. Sa kasalukuyan, hindi maaaring magbura ng ilang palatandaan nang sabay-sabay.
Kung nais mong panatilihin ang iyong palatandaan ngunit baguhin ang mga katangian nito, sumangguni sa Paano ko babaguhin ang isang palatandaan?
Paano ko pupuntahan ang aking mga palatandaan?
Habang ika'y nakalagda, piliin ang "My Bookmarks" (Aking Mga Palatandaan) mula sa "Hi (Mabuhay), [lumagda]!" na menu sa itaas ng pahina. Kung ika'y nasa iyong Dashboard, maaari mo ring piliin ang "Bookmarks" (Mga Palatandaan) sa sidebar ng galugad (kapag mobile device ang gamit, mahahanap ito sa itaas ng pahina).
Paano ako makahahanap ng mga palatandaan ng ibang mga tagagamit?
Makahahanap ka ng mga palatandaan ng ibang mga tagagamit sa pamamagitan ng: paghanap, pagbrowse, o mula sa mga dashboard ng ibang tagagamit.
Maaari kang maghanap ng mga palatandaan sa pamamagitan ng pagpili ng "Bookmarks" (Mga Palatandaan) mula sa menu ng "Search" (Maghanap) sa itaas ng pahina sa karaniwang anyo ng site. Maaari mong ilagay ang salitang iyong hinahanap sa seksyon na "Any Field" (Alinmang Patlang), at hahanapin nito ang salitang iyon sa lahat ng mga patlang. Maaari mong higpitan ang iyong paghahanap ng palatandaan sa pamamagitan ng pagdagdag ng ibang mga termino o kriterya ng paghahanap sa ibang mga patlang.
Maaari mo ring tignan ang pinakabagong mga palatandaan sa pagpili ng "Bookmarks" mula sa menu na "Browse" sa itaas ng pahina sa karaniwang anyo ng site. Ilalabas nito ang 20 pinakabagong mga palatandaang kakalikha lamang. Maaari mo ring puntahan mo ang kawing na "Bookmarks" (Mga Palatandaan) sa kahit anong listahan ng mga katha. Kapag pinili mo ang isang tag ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), maglalabas ito ng listahan ng lahat ng mga palatandaan ng kathang may kinalaman sa tag na iyon.
Para makarating sa Dashboard ng isang tagagamit, gawin ang isa sa mga sumusunod:
- Maghanap ng tao sa pamamagitan ng pagpili ng "People" (Mga Tao) mula sa menu ng "Search" (Maghanap) sa itaas ng pahina sa karaniwang anyo ng site. Ilagay ang kanilang lagda/sagisag-panulat o bahagi ng kanilang lagda/sagisag-panulat sa patlang ng mga hahanapin, at pumili mula sa mga resulta nang paghahanap.
- Piliin ang nakakawing na pangalan ng tagagamit — mahahanap ito sa isa sa kanilang mga katha o komento sa ibang katha, o sa ibang palatandaan.
Iyong mapipili ang kawing na "Bookmarks" sa sidebar ng paggalugad (kapag mobile device ang gamit, mahahanap ito sa itaas ng pahina).
Para sa karagdagang impormasyon sa paghahanap ng mga palatandaang minarkahan ng ibang mga tagagamit bilang rec, tumungo sa Paano ako maghahanap ng mga rec?
Ano ang pinagkaiba-iba ng mga palatandaan, "Mark for Later" (Markahan para sa Hinaharap), at mga subskripsyon?
Gamit ang mga Palatandaan sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), kaya mong puntahan ang mga katha sa ibang petsa, at magbigay ng mga Rec o listahan ng mga katha sa ibang mga tagagamit na maaaring kapareho mo ng interes sa katha, maliban na lang kung pipiliin mong gawin silang pribado. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano gawing pansarili ang mga palatandaan, tumungo sa Paano ko pamamahalaan kung sino ang makakakita ng aking mga palatandaan?
Kaiba sa palatandaan, ikaw lamang ang makakakita ng listahan ng Marked for Later (Markahan para sa Hinaharap), at makikita ito sa pamamagitan ng pahina para sa History (Nakaraan) sa iyong Dashboard. Maaari mong markahan ang mga katha bilang "Marked for Later" (Markahan Para sa Hinaharap) kung nais mong balikan ang mga ito sa ibang petsa, na hindi gumagawa ng palatandaan. Para sa karagdagang impormasyon sa kung paano gumagana ang katangian ng Markahan Para sa Hinaharap, pumunta sa FAQ para sa Nakaraan at Markahan Para sa Hinaharap.
Ang iyong mga subskripsyon ay hindi rin makikita ng ibang mga tagagamit. Inaabisuhan ka ng mga subskripsyon ukol sa mga panibagong katha o mga kabanata ng mga katha. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga subskripsyon, sumangguni sa FAQ ukol sa mga subskripsyon at mga Feed.
Ano ang pinagkaiba ng palatandaan sa rec (rekomendasyon)?
Ang mga rec ay napapasailalim sa mga Palatandaan. Ipinahihiwatig ng pagmamarka ng isang palatandaan bilang rec na inirerekomenda ng tagagamit ang katha.
Upang markahan ang palatandaan bilang rec, piliin ang checkbox ng "Rec" (Irekomenda) kapag nililikha o binabago ang iyong palatandaan. Kapag tumitingin ng mga palatandaan, ang mga palatandaang nakamarka bilang rec ay magkakaroon ng hugis-pusong icon sa lagom. Ang iyong palatandaan ay maisasama rin sa mga resulta ng paghahanap, kapag naghahanap ang isang tagagamit ng mga rec. Sumangguni sa Paano ako maghahanap ng mga rec? para sa karagdagang impormasyon sa paksang ito.
Paano ako maghahanap ng mga rec?
Ang mga rec ay napapasailalim sa mga Palatandaan. Ang pinagkaiba ng mga palatandaan sa mga rec ay pinapaliwanag sa Ano ang pinagkaiba ng palatandaan sa rec?
Upang maghanap ng mga rec, piliin ang "Bookmarks" (Mga palatandaan) mula sa menu ng "Search" (Maghanap) sa itaas ng pahina sa karaniwang anyo ng site. Sa pahina ng Bookmark Search (Maghanap ng palatandaan), piliin ang checkbox ng "Rec" kapag nilalagay ang iyong kriterya sa paghahanap. Lilimitahan nito ang mga resulta ng paghahanap sa mga palatandaang nakamarka bilang "Rec".
Para maghanap ng mga rec habang tinitignan ang mga palatandaan ng isang tagagamit, piliin ang checkbox ng "Recs Only" (Mga Rec Lamang) sa form ng Sort and Filter (Uriin at Salain), sa gilid ng pahina (na maaaring ipakita sa pagpili ng button ng "Filters" (Mga Pangsala) kapag nasa mobile device), at pagkatapos ay piliin ang button na "Sort and Filter".
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano maghanap o makahanap ng mga palatandaan ng ibang mga tagagamit, sumangguni sa Paano ako makahahanap ng mga palatandaan ng ibang mga tagagamit? Para sa karagdagang impormasyon sa paghahanap at pagba-browse, sumangguni sa FAQ para sa Paghahanap at Pagba-browse.
Paano ko pamamahalaan kung sino ang makakakita ng aking mga palatandaan?
Sa pangkaraniwan, ang isang palatandaan ay panlahatan, at maaaring makita ng kahit sino. Upang gawing pansarili ang isang palaatandaan, piliin ang checkbox na "Private bookmark" (Pansariling palatandaan) kapag nililikha o binabago ang palatandaan. Kapag minarkahan mo ang isang palatandaan bilang pansarili, ikaw lamang ang makakikita nito. Ang mga palatandaan na minarkahan bilang pansarili ay magpapakita na may icon ng kandado sa lagom.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagbabago ng mga palatandaan, sumangguni sa Paano ko babaguhin ang isang palatandaan?
Paano ako gagawa ng isang koleksyon ng mga palatandaan?
Para magdagdag ng palatandaan sa isang koleksyon, kinakailangang nilikha na ang koleksyon na iyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paggawa ng koleksyon, sumangguni sa Paano ako lilikha ng koleksyon?
Maaari kang magdagdag ng palatandaan sa isang koleksyon kapag nililikha o binabago mo ang palatandaan. Kapag inumpisahan mong ilagay ang pangalan ng (mga) koleksyon sa patlang na "Add to collections" (Idagdag sa mga koleksyon). May listahan ng mga pangalan ng koleksyon na magpapakita, kung saan maaari kang pumili. Piliin ang ninanais na koleksyon sa listahan, at piliin ang "Edit" (Baguhin) or "Create" (Likhain). Para sa karagdagang impormasyon sa pagbabago ng mga palatandaan, sumangguni sa Paano ko babaguhin ang isang palatandaan?
Kung nais mong matuto pa tungkol sa mga koleksyon, sumangguni sa FAQ para sa mga Koleksyon.
Saan ako maaaring sumangguni kung sakaling hindi nasagot ang aking katanungan?
Ang mga suliraning kalimitang tinatanong ukol sa Archive of Our Own - AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay sinasagot sa mas malawak na AO3 FAQ at ang ibang karaniwang terminolohiya ay makikita sa Talahuluganan. Ang mga katanungan at kasagutan ukol sa aming mga Palatuntunan ay mahahanap sa Terms of Service FAQ. Kung gusto mo ay maaari mo ring basahin ang aming Known Issues. Kung kailangan mo ng karagdagang tulong, mangyaringmagsumite ng hiling para sa support (Tulong).