Archive FAQ > Mga Komento at Pugay

Ano ang mga komento?

Ang mga komento sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay paraan ng pagbibigay ng katugunan sa isang katha. Ang bawat katha, o bawat kabanata ng isang katha, ay may textbox sa dulo nito kung saan maaari kang maglagay ng iyong mga puna. Maaari ka ring mag-iwan ng mga komento sa mga paskil tungkol sa Balita ng AO3.

Para makakuha ng karagdagang impormasyon kung saan matatagpuan ang mga komento sa isang katha at kung papaano ipakita ang mga ito, sumangguni sa Saan sa katha matatagpuan ang komento?

Pakitandaan na, tulad ng lahat ng nilalaman na ipinapaskil sa AO3, ang mga komento ay sakop ng Seksyon IV (Mga Patakaran ukol sa Nilalaman at Abuso) ng Palatuntunan ng Aming Serbisyo (ToS) ng site. Kung makakatanggap ka ng komento sa iyong katha na sa iyong palagay ay lumalabag sa ToS, maaari kang makipag-ugnayan sa Konseho ng mga Patakaran at Laban sa Pang-aabuso para iulat ito.

Paano ako makakapagpaskil ng komento?

Sa dulo ng bawat katha, o bawat kabanata ng katha, ay may textbox na walang nilalaman. Ilagay mo ang iyong komento sa textbox at pindutin ang “Comment” (Magkomento) na buton sa ilalim nito para ipadala. Maaari kang gumamit ng HTML sa pag-ayos ng iyong mga komento. Para sa listahan ng mga pinahihintulutang HTML tag, sumangguni sa Paano ako makakapag-istilo ng teksto sa aking mga komento?

Idadagdag ang iyong komento sa dulo ng seksyon, sa ilalim ng mga komentong naroon. Kung marami ang pahina ng komento, idagdagdag ang iyong komento sa dulo ng huling pahina.

Maaari ka ring tumugon sa mga komentong iniwan ng ibang tao, na magbubuo ng hanay ng komento. Pindutin ang “Reply” (Sumagot) na buton sa komento na gusto mong tugunan, at ilagay ang iyong teksto sa textbox na magbubukas. Pagkatapos mong isulat ang iyong tugon, pindutin ang “Comment” na buton upang ipadala ito. Idudugtong ito kasunod ng komentong tinutugunan mo. Para sa karagdagang impormasyon sa mga tugon sa at hanay ng komento, sumangguni sa Ano ang hanay ng komento? Paano gumagana ang paghahanay ng komento?

Saan sa katha matatagpuan ang komento?

Matatagpuan sa dulo ng pahina ng isang katha ang mga komento, sa ilalim ng listahan ng pugay; ngunit karaniwang nakatago ang mga ito. Piliin ang “Comments” (Mga Komento) sa itaas o ibaba ng katha para ipakita ang mga komento nito. Sa karamihan ng mga browser, kapag pinili ang “Comments” sa itaas ng pahina, kusang mahahatak pababa rin ang pahina hanggang sa dulo nito.

Tandaan na maaaring magkaroon ng maraming pahina ng komento ang katha; ang bawat pahina ay magpapakita ng 20 hanay ng komento. (Sumangguni sa Ano ang hanay ng komento? para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung papaano gumagana ang paghahanay ng komento.) Maaari kang gumalugad sa pagitan ng mga pahina ng komento gamit ang mga “Previous” (Nauna) at “Next” (Susunod) na buton, o ang mga numero ng mga pahina, na matatagpuan sa ibabaw at ilalim ng mga hanay ng komento.

Ipapakita rin ng lagom ng katha ang bilang ng komento sa katha. Halimbawa, maaaring sabihin ng lagom ng katha na “Comments: 9“ (Mga Komento: 9). Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng numerong ito, sumangguni sa Ano ang ibig sabihin ng "Comments: #"?

Paano ko ipakikilala ang aking sarili tuwing ako’y magkokomento?

Kung nakalagda ka sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) tuwing magpapaskil ka ng komento, ipapaskil ang iyong komento sa ilalim ng iyong kinikilalang sagisag-panulat. Kung gusto mong magpaskil gamit ang ibang sagisag-panulat, maaari kang pumili mula sa menu ng “Comment as” (Magkomento bilang si). Sumangguni sa FAQ ukol sa mga Sagisag-Panulat para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung ano ang sagisag-panulat at kung paano ito gumagana.

Kung hindi ka nakalagda, o wala kang account sa AO3, maaari kang mag-iwan ng anonimong komentong, hangga’t hindi pinapawalang-gana ng manlilikha ng katha ang mga anonimong komentong sa kathang iyon. Sumangguni sa Maaari ba akong magpaskil ng komento nang hindi nagpapakilala, o kung wala akong account sa AO3? para sa karagdagang impormasyon.

Maaari ba akong magpaskil ng komento nang hindi nagpapakilala, o kung wala akong account sa AO3?

Sa karaniwan, maaari kang magkomento nang hindi nagpapakilala sa anumang katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan); gayunpaman, maaaring ipawalang-gana ng manlilikha ang katangiang ito kung gugustuhin nila. Para matuto kung papaano ipawalang-gana ang pagkokomento nang hindi nagpapakilala, sumangguni sa Maaari ko bang ipawalang-gana ang mga komentong walang lagda sa aking mga katha?

Para sa mga komentong walang lagda, kakailanganin mong magbigay ng pangalan at balidong email address. Ipapakita ang iyong pangalan, ngunit hindi ang iyong email address. Makakatanggap ka ng mga sagot sa komento sa email address na iyong ibinigay.

Maaari ko bang ipawalang-gana ang mga komentong walang lagda sa aking mga katha?

Maaari mong pigilan ang sinumang tagagamit na hindi nakalagda sa Archive of our Own – AO3 (Ating Sariling Sisdlan) sa pagkokomento sa iyong katha. Para gawin ito, pumunta sa pahina ng Edit Work (Ibahin ang Katha) (sumangguni sa Paano ko iibahin ang isang katha?). Sa seksyon para sa Privacy (Pagsasapribado), piliin ang “Disable anonymous commenting” (Ipawalang-gana ang pagkokomento nang hindi nagpapakilala). Pagkatapos, piliin ang “Post Without Preview” (Ipaskil Nang Walang Prebiyu), o ang “Preview” (Prebiyu) at sunod ang “Update” (Baguhin) para itaguyod ang iyong mga pagbabago.

Para ipawalang-gana ang pagkokomento nang hindi nagpapakilala sa higit sa isang katha nang magkakasabay, maaari mong gamitin ang pahina ng Edit Multiple Works (Mag-iba ng Maraming Katha). Sumangguni sa Papaano ko iibahin ang maraming katha nang sabay-sabay? para matutunan kung papaano papalitan ang mga setting para sa maraming katha.

Anong mangyayari sa mga iniwan kong komento kapag binura ko ang aking account?

Matapos mong burahin ang iyong account, ang anumang mga komento na iniwan mo gamit ang nasabing account ay iuugnay sa lagdang “Account Deleted” (Binurang Account). Maaaring abutin ng isang linggo bago magpakita ang pagbabagong ito sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Kung hindi pa natatanggal sa mga komento ang iyong lagda pagkalipas ng isang linggo, mangyaring makipag-ugnayan sa Tulong.

Mangyaring unawain na hindi ka makakapagtanggal ng anumang komento pagkatapos burahin ang iyong account. Kung gusto mong matanggal ang iyong mga komento sa AO3, siguraduhing binura mo na ang mga ito bago mo burahin ang iyong account. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano ito gagawin, sumangguni sa Maaari ko bang ibahin o burahin ang aking komento?.

Upang malaman kung ano ang mangyayari sa mga iniwan mong pugay matapos burahin ang iyong account, sumangguni sa Anong mangyayari sa mga pugay na iniwan ko kapag binura ko ang aking account?

Ano ang mangyayari sa mga iniwan kong komento at/o pugay kung papalitan ko ang aking lagda?

Kapag pinalitan mo ang iyong lagda, ang anumang komento at/o pugay na iniwan mo gamit ang iyong dating lagda ay magbabago para ipakita ang iyong bagong lagda. Maaaring abutin ng isang linggo bago magpakita ang mga pagbabagong ito sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Kung hindi pa nagbago ang iyong lagda sa iyong mga komento at pugay makalipas ang isang linggo, mangyaring makipag-ugnayan sa Tulong.

Ano ang hanay ng komento? Paano gumagana ang paghahanay ng komento?

Ang mga hanay ng komento ay parang pag-uusap: mag-iiwan ng komento ang isang tao, at ang lahat ng mga susunod na tugon sa komentong iyon ay kabilang sa isang hanay ng komento. Halimbawa, kung may magkomento sa isa sa mga katha mo at nagsasabing, “Wow! Ang galing nito, mayroon ka pa bang ibang inilathala?”, at sumagot ka, “Oo! Heto ang kawing sa isa sa iba kong katha!”, ang pinagmulang komento at lahat ng mga tugon nito ay isang hanay ng komento.

Kung sasagot ka sa ibang mga komento, kaagad na susunod ang iyong tugon sa ilalim ng mga komentong sasagutin mo. Naka-urong ang mga ito para ipahiwatig na tugon sila sa parehong hanay.

Ang hanay ay maaaring isang komento lang, o maraming komento. Kung ang hanay ng komento ay naglalaman ng mahabang serye ng mga magkakasamang sunud-sunod na tugon (kung saan ang bawat komento ay naka-urong na sagot sa nauunang komento), ang unang limang tugon lamang ang ipapakita. Magkukumpol at magsasara ang mga natitirang tugon at may mensaheng magpapakita na magsasabing “(# more comments in this thread)” (# mayroon pang mga komento sa hanay na ito).

Para buksan ang mga ito, pindutin ang “Thread” (Hanay) na buton sa isa sa mga nakalitaw na komento. Dadalhin ka sa bagong pahina na nagpapakita ng lahat ng mga tugon na nagmula sa komentong iyon.

Paano ko maipapakita ang lahat ng mga tugon sa aking komento?

Para ipakita ang lahat ng mga tugon sa tiyak na komento, piliin ang “Thread” (Hanay) sa komento. Dadalhin ka nito sa bagong pahina na magpapakita ng lahat ng mga tugon na nagmula sa komentong iyon.

Para sa karagdagang impormasyon sa mga tugon sa komento at mga hanay, sumangguni sa Ano ang hanay ng komento? Paano gumagana ang paghahanay ng komento?

Ano ang ibig sabihin ng “Comments: #”?

Inilalarawan ng “Comments: #” (Mga Komento: #) at “Comments (#)” ang kabuuang bilang ng mga komentong iniwan sa isang katha. Halimbawa, maaaring magsabi ang lagom ng katha na “Comments: 9”. Kung saan nagpapakita sa mga listahan at resulta ng paghahanap ang lagom ng katha, maaari mong pindutin ang numerong ito para makarating sa katha at ipakita ang mga komentong naroroon, sa ilalim ng listahan ng pugay.

Ang mga tugon sa mga komento at mga komentong iniwan ng manlilikha ng katha ay parehong kasama sa kabuuang bilang na ito. Para malaman kung gaano karaming mga indibidwal na hanay ng komento ang iniwan sa lahat ng iyong mga katha, na hindi kasama ang mga tugon, sumangguni sa Ano ang Hanay ng Komento? Paano nasusubaybayan ang mga Hanay ng Komento? sa FAQ ng Estadistika.

Gaano kahaba ang maaaring abutin ng aking komento?

Ang hangganan ng isang komento ay 10,000 na karakter (kasama na ang anumang pag-aayos ng HTML). Para malaman kung aling pag-aayos ng HTML ang maaari mong idagdag sa iyong mga komento, sumangguni sa Paano ako makakapag-istilo ng teksto sa aking mga komento?

Kung susubukin mong gumawa ng mas mahabang komento, hindi ito mapapaskil at may error message na lalabas. Kakailanganin mong hatiin ang teksto sa dalawa o higit pang mas maiikling komento.

Tuwing ginagamit ang karaniwang anyo ng site, makikita sa ilalim ng entry box ng komento ang bilang ng mga natitirang karakter na magagamit.

Paano ako makakapag-istilo ng teksto sa aking mga komento?

Maaari kang gumamit ng piling tag ng HTML para ayusin ang iyong teksto. Pinapayagan ang mga sumusunod na tag:

a, abbr, acronym, address, b, big, blockquote, br, caption, center, cite, code, col, colgroup, dd, del, dfn, div, dl, dt, em, h1, h2, h3, h4, h5, h6, hr, i, img, ins, kbd, li, ol, p, pre, q, s, samp, small, span, strike, strong, sub, sup, table, tbody, td, tfoot, th, thead, tr, tt, u, ul, var

Maaari ko bang ibahin o burahin ang aking komento?

Kung nakalagda ka sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisdlan), maaari mong ibahin ang iyong komento habang wala pang nakakasagot dito. Kasama sa mga posibleng pag-iiba sa komento ay ang pagpalit sa nilalaman nito o sa kaugnay na sagisag-panulat. (Para sa karagdagang impormasyon sa pagpalit ng sagisag-panulat na naka-ugnay sa isang komento, sumangguni sa Paano ko ipapakilala ang aking sarili tuwing ako’y magkokomento?)

Maaari mo ring burahin ang iyong komento, kahit na may bisitang sumagot na rito. Kung magbubura ka ng komentong may tugon, ang binurang komento ay papalitan ng “(Previous comment deleted.)” (Binura ang naunang komento). Sa karaniwang anyo ng site, may mga “Edit” (Ibahin) at “Delete” (Burahin) na buton sa mga komentong maaari mong baguhin o burahin.

Kung pipiliin mo ang “Edit”, lilitaw sa loob ng isang textbox ang komento mo sa ayos ng HTML. Maaari mong gawin ang iyong mga pag-iiba at pagkatapos ay pindutin ang “Update” (Baguhin) para itaguyod ang iyong mga pagbabago. Kung magbago ang iyong isip, pindutin ang “Cancel” (Itigil) para isara ang textbox. Kung mag-iiba ka ng komento, makakatanggap ang manlilikha ng abiso tungkol sa inibang komento.

Kung pipiliin mo ang “Delete”, uudyukin ka ng site kung “Are you sure you want to delete this comment?” (Sigurado ka bang gusto mong burahin ang komentong ito?) Mula roon, maaari mong piliin ang “Yes, Delete!” (Oo, Burahin Ito!) para sumang-ayon, o ang “Cancel” para panatilihin ang komento.

Kung hindi ka nakalagda sa AO3 nang iniwan mo ang komento, hindi mo ito maiiba. Tanging ang (mga) manlilika ng katha, o mga administrador ng AO3, kung kinakailangan, ang maaaring magbura nito.

Maaari ko bang ibahin o burahin ang komentong iniwan ng ibang tao sa isa sa aking mga katha?

Hindi mo maiiba ang komento ng ibang tao, ngunit mabubura mo ang mga komento sa sarili mong mga katha. Tuwing nakalagda ka, lahat ng komento sa iyong mga katha (kasama na ang sarili mong mga komento) ay mayroong “Delete” (Burahin) na buton. Kapag pinindot mo ang “Delete”, tatanungin ka kung “Are you sure you want to delete this comment?” (Sigurado ka bang gusto mong burahin ang komentong ito?) Mula roon maaari mong piliin ang “Yes, Delete!” (Oo, Burahin Ito!) para sumang-ayon, o ang “Cancel” para panatilihin ang komento.

Kung magbubura ka ng komentong may tugon, ang binurang komento ay papalitan ng mensaheng nagsasabi na “(Previous comment deleted.)” (Binura ang naunang komento). Kung gusto mong magbura ng isang buong hanay ng komento pero nais mong makaiwas sa mga “(Previous comment deleted.)” na placeholder, kailangan mong burahin ang lahat ng mga komento nang paatras. Samakatuwid, kailangan mong burahin ang pinakabagong tugon (ang pinaka-nakaurong na komento), at magpatuloy nang pabaliktad hanggang sa mabura mo ang pinagmulang komento.

Kung ang itinutukoy na komento ay spam na iniwan ng isang panauhing account, maaari mo ring iulat ito bilang spam imbis na burahin. Para sa impormasyon tungkol sa papaano ito gagawin at bakit mo ito gugustuhin, sumangguni sa Ano ang komentong spam? Ano ang maaari kong gawin sa spam?

Maaari ko bang ipapadala sa aking email ang mga komento?

Sa karaniwan, ang anumang komentong iniwan sa iyong mga katha ay ipapadala sa email address na ibinigay mo para sa iyong account at inbox sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Makakatanggap ka rin ng abiso sa email tuwing may sasagot sa komentong isinulat mo habang nakalagda sa iyong account sa AO3.

Maaari mong ihinto ang mga mensaheng pang-abiso tungkol sa komento para sa iyong inbox sa AO3, email address, o sa dalawa. Sumangguni sa Paano ko mapapalitan ang pamamaraan ng pagtanggap ko ng abisong pang-komento? para sa karagdagang impormasyon.

Kung hindi mo natatanggap ang mga abisong ito kahit na nakapahintulot ang opsyon, posibleng nasala sila ng iyong salaang pang-spam. Upang makasiguro na hindi sila hinaharangan ng iyong email server, maaari mong idagdag ang [email protected] sa iyong whitelist.

Kung nag-iwan ka ng komento nang hindi nakalagda, o kung wala kang account, ang mga tugon sa iyong komento ay ipapadala sa email address na iyong binigay sa iyong ipinaskil ang komento. Para sa karagdagang impormasyon sa pagkokomento habang hindi nakalagda sa isang AO3 account, sumangguni sa Maaari ba akong magpaskil ng mga komento nang hindi nagpapakilala, o kung wala akong account sa AO3?

Ano ang komentong spam? Ano ang maaari kong gawin sa spam?

Mangyaring sumangguni sa seksyon tungkol sa spam at di-pangkomersyal na pagpapalaganap mula sa aming Palatuntunan ng Aming Serbisyo para sa kahulugan ng komentong spam.

Ang mga komentong spam ay kadalasang walang lagda, sa halip na mga komento mula sa isang tagagamit ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Kung makakatanggap ka ng komentong spam mula sa isang panauhin, maaari mo itong markahan na spam. Tuwing ginagamit ang karaniwang anyo ng site, may “Spam” na buton sa kanang ibaba ng lahat ng mga komentong mula sa mga panauhin. Sa pagpili ng buton na ito, ang komento ay maitatago sa ibang mga tagagamit, ngunit mananatiling bukas sa mga administrador ng site.

Ang mga komentong minarkahan bilang spam ay kasama pa rin sa kabuuang bilang ng mga komento sa isang katha, kaya gamit ang paraang ito, maaring mong itago ang mga komentong spam nang hindi naaapektuhan ang estadistika ng iyong komento. Gayunpaman, kung makipag-ugnayan ka sa Abuso o sa Tulong at humiling na tanggalin ang mga ito, bababa ang kabuuang bilang ng mga komento matapos silang tanggalin. Para sa karagdagang impormasyong tungkol sa mga estadistika sa AO3, sumangguni sa FAQ ng Estadistika.

Sa kabilang banda, maaari mong pindutin ang “Delete” (Burahin) na buton para burahin nang tuluyan ang komento; subalit, maaari nitong hadlangan ang pag-iimbestiga ng Abuso sa komentong iyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagbura ng komento, sumangguni sa Maaari ko bang ibahin o burahin ang komentong iniwan ng ibang tao sa isa sa aking mga katha?

Walang “Spam” na buton para sa mga komentong iniwanan ng tagagamit ng AO3. Kung nakakatanggap ka ng spam o panliligalig mula sa isang tagagamit ng AO3, sumangguni sa Ano ang maaari kong gawin kung nakakatanggap ako ng spam/mga komentong nakakapanligalig/nakakasakit mula sa isang tagagamit ng AO3? para malaman kung ano ang gagawin.

Para sa karagdagang impormasyon sa spam, sumangguni sa Mga Patakaran ukol sa Nilalaman at Alituntunin para sa Abuso mula sa FAQ ng aming mga Palatuntunan ng Aming Serbisyo.

Ano ang maaari kong gawin kung nakakatanggap ako ng spam/mga komentong nakakapanligalig/nakakasakit mula sa isang tagagamit ng AO3?

Mangyaring sumangguni sa Palatuntunan ng Aming Serbisyo para sa aming kahulugan para sa spam at kung ano ang kinikilala bilang panliligalig.

Kung nakakatanggap ka ng mga komento mula sa isang tagagamit ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisdlan) na sa iyong palagay ay lumalabag sa Palatuntunan ng Aming Serbisyo, mangyaring makipag-ugnayan sa Abuso. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano hinahawakan ng pangkat ng Abuso ang ganitong mga ulat, sumangguni sa Mga Patakaran ukol sa Nilalaman at Alituntunin para sa AbusoAno ang komentong spam? Ano ang maaari kong gawin sa spam?

Paano ko mapapamahalaan ang mga komento sa aking mga katha?

Maipapaandar ang pamamahala ng mga komento sa isang katha mula sa form para sa pagpapaskil at pag-iiba: ang pahinang lumilitaw tuwing magpapaskil ka ng bagong katha, o mag-iiba ng kathang nakapaskil na.

Para magpaskil ng bagong katha kung saan umaandar na ang pamamahala ng mga komento:

Gumalugad sa pahina para sa Post New Work (Magpaskil ng Bagong Katha) (para sa kumpletong tagubilin tungkol sa paglikha ng bagong katha, sumangguni sa tsutoryal para sa pagpaskil ng katha sa AO3) at pumunta sa sekyson na pinamagatang “Privacy” (Pagsasapribado). Piliin ang Enable comment moderation (Paandarin ang pamamahala ng mga komento). Punan ang mga natitirang patlang ayon sa karaniwang gawain, at ilathala ang iyong katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisdlan).

Para paandarin ang pamamahala ng mga komento sa iyong mga kathang nakapaskil na:

Gumalugad sa pahina ng Edit Work (Ibahin ang Katha) (para sa kumpletong tagubilin tungkol sa pag-iiba ng isang katha, sumangguni sa Paano ko iibahin ang isang katha?) at pumunta sa seksyon na pinamagatang “Privacy”. Piliin ang Enable comment moderation at pindutin ang “Post Without Preview” (Ipaskil Nang Walang Prebiyu) para pairalin ang iyong mga pagbabago. O, kung may ibang mga pagbabago na gusto mong i-prebiyu muna, piliin ang “Preview” (Prebiyu) para suriin ang mga ito at pagkatapos ay “Update” (Baguhin) para itaguyod ang mga ito.

Kapag umandar na ang pamamahala ng mga komento sa isang katha, hindi malalantad sa publiko ang mga bagong komento hanggang sa masuri ang mga ito nang mano-mano at maaprubahan ng manlilikha. Hindi nito saklaw ang mga komentong mula sa (mga) manlilikha, dahil ang mga ito ay awtomatikong inaaprubahan.

Kung nakapahintulot ang mga email para sa mga abisong pangkomento, kaagad mong mabubuksan at masusuri ang mga indibidwal na komento gamit ang mga kawing sa ibaba ng bawat email ng abiso. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano gumagana ang mga email para sa mga abisong pangkomento, sumangguni sa Maaari ko bang ipadala sa aking email ang mga komento? Maaari mo ring suriin ang lahat ng mga komento sa kathang nilikha mo sa pamamagitan ng pagbukas ng katha at pagpindot sa buton sa itaas na pinamagatang “Unreviewed Comments” (Mga Komentong Hindi Pa Nasusuri).

Para ihinto muli ang pamamahala ng mga komento sa alinman sa iyong mga katha, gumalugad sa pahina ng Edit Work, pumunta sa sekyson ng “Privacy” at alisin ang tsek ang kahong katabi ng Enable comment moderation. Pagkatapos ay pindutin ang “Post Without Preview” para pairalin ang iyong mga pagbabago.

Maaari ko bang pahintulutan o ihinto ang pamamahala ng mga komento sa maraming katha nang sabay-sabay?

Oo! Maaari mong pahintulutan o ihinto ang pamamahala ng mga komento para sa maraming katha gamit ang pahina ng Edit Multiple Works (Mag-iba ng Maraming Katha). Para sa impormasyon tungkol sa kung papaano buksan ang pahinang ito at baguhin ang mga setting ng higit sa
sa isang katha nang magkakasabay, sumangguni sa Paano ko iibahin ang maraming katha nang sabay-sabay? sa FAQ tungkol sa Pagpaskil at Pag-iiba.

Ano ang mangyayari sa mga komento kung ihihinto ko ang pamamahala?

Kung ihihinto mo ang pamamahala sa isang katha, ang anumang mga komentong iniwan sa kathang iyon ay awtomatikong ilalathala, nang walang opsyon para suriin ang mga ito. Gayunpaman, kung ihihinto mo ang pamamahala ng mga komento sa kathang may mga komentong hindi pa nasusuri, mananatiling tago ang mga ito, at maaari mo pa ring suriin ang mga ito kahit na nakahinto na ang pamamahala.

Para sa tagubilin para sa pagpapaandar o paghinto ng pamamahala ng komento, sumangguni sa Paano ko mapapamahalaan ang mga komento sa aking mga katha?

Ano ang mangyayari sa mga komentong naroon na kapag pinaandar ang pamamahala?

Matapos paandarin ang pamamahala ng komento sa isang katha, ang mga bagong komento lamang ang kailangang mano-manong suriin at aprubahan bago lumitaw ang mga ito sa publiko. Hindi maapektuhan ang mga komentong naroon na bago ipaandar ang pamamahala.

Para sa tagubilin kung paano paandarin o pahintuin ang pamamahala ng komento, sumangguni sa Paano ko mapapamahalaan ang mga komento sa aking mga katha?

Ano ang pugay?

Ang salitang “kudos” (pugay) ay mula sa sinaunang Griyego, na nangangahulugang “karangalan” o “kabantugan”. Ang isang makabagong kahulugan nito ay “papuring ibinigay dahil sa pagtatagumpay”.

Bilang katangian ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), ang pugay ay isang mabilis at madaling paraan para ipaalam sa isang manlilikha na nagustuhan mo ang kanilang katha. Matapos mong iwanan ng pugay ang isang katha, may mensaheng magsasabi na “Thank you for leaving kudos!” (Salamat sa pag-iiwan ng pugay!)

Maaari kang magbigay-pugay sa isang katha nang isang beses, kahit na marami kang sagisag-panulat sa iyong account. (Ano ang sagisag-panulat?) Hindi ka rin maaaring mag-iwan ng pugay sa bawat kabanata ng katha; subalit maaari kang magbigay-pugay sa bawat katha sa isang serye, dahil hiwalay na katha ang mga ito.

Bakit hindi ko mabuksan ang lahat ng pugay na iniwan sa aking mga katha?

Para sa mas madaling pagbukas ng seksyon ng komento, ang lagda ng unang 50 lamang na pinakahuling tagagamit na nag-iwan ng kudos habang nakalagda ang ipapakita. Upang palawakin ang buong listahan ng mga tagagamit na nag-iwan ng kudos sa katha, piliin ang “and # more user(s)” (at # pang (mga) tagagamit) sa dulo ng listahan. Para paliitin muli ang listahan, piliin ang “(collapse)” (paliitin) sa dulo ng pinalawak na listahan.

Ang mga di-nakarehistrong tagagamit at ang mga hindi nakalagda ay hindi kikilalanin ng sistema at pamamagatan bilang “guest” (panauhin). Ang kanilang mga pugay ay isasama sa (“as well as # guests left kudos on this work!”) (Pati na ang # na panauhin ay nag-iwan ng pugay sa kathang ito!)

Maaari ko bang ipawalang-gana ang pugay sa aking mga katha?

Sa kasalukuyan, hindi maaaring ipawalang-gana ang mga pugay. Gayunpaman, maaari mong piliin na hindi tumanggap ng mga abiso na may nag-iwan ng pugay sa iyong mga katha. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagwawalang-gana ng abisong pampugay, sumangguni sa Paano ko mapapalitan ang pamamaraan ng pagtanggap ko ng abisong pang-komento?

Kung mas gusto mong hindi makatagpo ng mga komento at pugay mula sa mga partikular na tagagamit ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) o sa sinumang di-kilalang taga-komento sa iyong mga katha (o saanman sa AO3!), maaari mong gamitin ang Personal Hellban script ni tuff_ghost at pahintulutan ang pagharang ng mga panauhin o magpasok ng listahan ng mga lagda. Hindi nito pipigilan ang pagkokomento o pag-iwan ng kudos, ngunit itatago nito ang anumang ibibilin mo sa sarili mong browser.

Unawain na ito ay di-opisyal na kagamitan na nilikha ng isang tagahanga ng AO3, kung kaya’t hindi makakapagbigay ng tulong o suportang teknikal sa paggamit nito ang pangkat ng Tulong. Para sa karagdagang mga kagamitang inilikha ng mga tagahanga na maaaring gamitin sa AO3, mangyaring sumangguni sa FAQ ng mga Di-Opisyal na Kagamitang Pambrowser.

Paano ko malalaman kung may nag-iwan ng pugay sa isa sa aking mga katha?

Ang mga abiso para sa pugay na iniwan ng mga nakalagdang tagagamit at mga panauhin ay ipinapadala sa email ng manlilikha kung pinahintulutan nila ang opsyong ito sa kanilang mga kagustuhan. Sumangguni sa Paano ko mapapalitan ang pamamaraan ng pagtanggap ko ng abisong pang-komento? para sa karagdagang impormasyon. Ang mga nakalagdang tagagamit na mag-iiwan ng kudos ay ipakikilala gamit ang kanilang mga lagda. Ang mga di-nakarehistrong tagagamit at ang mga hindi nakalagda ay hindi kikilalanin ng sistema at pamamagatan bilang “guest” (panauhin).

Kung hindi mo natatanggap ang mga abisong ito kahit na nakapahintulot ang opsyon, posibleng nasala sila ng iyong salaang pang-spam. Upang makasiguro na hindi sila hinaharangan ng iyong email server, maaari mong idagdag ang [email protected] sa iyong whitelist.

Maaari ko bang itago o burahin ang mga pugay na aking ipinadala o natanggap?

Sa kasalukyan, ang pugay ay hindi maaaring burahin ng tagagamit na nagbigay nito o ng tagagamit na nakatanggap nito.

Kung mas gusto mong hindi makatagpo ng mga komento at pugay mula sa mga partikular na tagagamit ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) o sa sinumang di-kilalang taga-komento sa iyong mga katha (o saanman sa AO3!), maaari mong gamitin ang Personal Hellban script ni tuff_ghost at pahintulutan ang pagharang ng mga panauhin o magpasok ng listahan ng mga lagda. Hindi nito pipigilan ang pagkokomento o pag-iwan ng kudos, ngunit itatago nito ang anumang ibibilin mo sa sarili mong browser.

Unawain na ito ay di-opisyal na kagamitan na nilikha ng isang tagahanga ng AO3, kung kaya’t hindi makakapagbigay ng tulong o suportang teknikal sa paggamit nito ang pangkat ng Tulong.

Para sa karagdagang mga kagamitang inilikha ng mga tagahanga na maaaring gamitin sa AO3, mangyaring sumangguni sa FAQ ng mga Di-Opisyal na Kagamitang Pambrowser.

Anong mangyayari sa mga pugay na iniwan ko kapag binura ko ang aking account?

Matapos mong burahin ang iyong account, ang anumang mga pugay na iniwan mo gamit ang nasabing account ay iuugnay sa panauhin imbis na sa iyong lagda. Maaaring matagalan bago magpakita ang pagbabagong ito sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan).

Para malaman kung ano ang mangyayari sa mga komentong iniwan mo pagkatapos mong burahin ang iyong account, sumangguni sa Anong mangyayari sa mga komentong iniwan ko kapag binura ko ang aking account?

Maaari ba akong mag-iwan ng pugay sa bawat kabanata ng kathang may maraming kabanata?

Hindi. Tuwing nag-iiwan ka ng pugay habang nasa partikular na kabanata ng isang katha, nakakawing ito sa kabuuan ng katha. Kung susubukin mong mag-iwan ng pugay sa kathang iniwanan mo na ng pugay, sasabihan ka ng sistema na “You have already left kudos here. :)” (Nag-iwan ka na ng pugay dito. :)).

Gayunpaman, maaari kang magbigay-pugay sa bawat katha sa isang serye, sapagkat hiwalay na katha ang mga ito.

Saan ako maaaring sumangguni kung sakaling hindi nasagot ang aking katanungan?

Ang mga suliraning kalimitang tinatanong ukol sa Archive of Our Own - AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay sinasagot sa mas malawak na AO3 FAQ at ang ibang karaniwang terminolohiya ay makikita sa Talahuluganan. Ang mga katanungan at kasagutan ukol sa aming mga Palatuntunan ay mahahanap sa Terms of Service FAQ. Maaring naisin mo ring basahin ang aming Known Issues. Kung kailangan mo ng karagdagang tulong, magsabi lamang sa Support (Tulong).