Archive FAQ > Iyong Account

Paano ako gagawa ng account?

Para makagawa ng account, kailangan mo ng code o kawing ng paanyaya (sumangguni sa FAQ ukol sa mga Paanyaya para sa karagdagang impormasyon). Kapag nakatanggap ka na ng email ng paanyaya, gamitin ang kawing sa email upang makapunta sa pahina para sa paglikha ng account. Kung nakatanggap ka ng kawing ng paanyaya mula sa ibang tagagamit, dadalhin ka ng kawing na ito sa tamang lugar. Kung binigyan ka ng simpleng code (isang serye ng mga numero at titik), sumangguni sa Paano ko gagamitin ang code ng paanyaya na hindi kawing?

Makikita ba ng lahat ang aking panlagda?

Oo, kaya siguraduhing pumili ng panlagda na ikasisiya mong iuugnay ng iba sa iyo! Bagama't maaari kang gumamit ng mga Sagisag-Panulat (sumangguni sa FAQ ukol sa mga Sagisag-panulat) para magpaskil gamit ang iba't-ibang mga pangalan sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), makikita ng lahat ang iyong panlagda katabi ng sagisag-panulat. Magpapakita ang kaugnayan sa ganitong ayos:

Sagisag-Panulat (panlagda)

Anong uri ng mga simbolo ang pwedeng gamitin sa aking panlagda?

Maaaring gumamit ng mga titik, numero at salungguhit sa iyong panlagda. Dahil sa mga patakarang teknikal ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan), mga karaniwang simbolong Latin lamang na walang puwang o dyakritiko ang maaaring gamitin sa paglikha ng panlagda, at walang mga bantas tulad ng tuldok o kuwit. Kailangan nitong magsimula at magtapos sa titik o numero, at dapat maglalaman ito ng hindi kukulang sa tatlo at hindi hihigit sa 40 na simbolo.

Ang listahan ng mga pinahihintulutang simbolo:
Aa, Bb, Cc, Dd, Ee, Ff, Gg, Hh, Ii, Jj, Kk, Ll, Mm, Nn, Oo, Pp, Qq, Rr, Ss, Tt, Uu, Vv, Ww, Xx, Yy, Zz, 0, 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, _.

Kung nais mong makagamit ng mga puwang at di-pangkaraniwang mga simbolo, maaari kang gumawa ng Sagisag-Panulat (sumangguni sa FAQ ukol sa mga Sagisag-Panulat). Tandaan na kahit gumagamit ka ng mga sagisag-panulat, makikita ng lahat ang iyong panlagda katabi ng sagisag-panulat (nakaayos ito bilang "Sagisag-Panulat (panlagda)"), kaya siguraduhing pumili ng panlagdang ikasisiya mong iuugnay ng iba sa iyo!

Paano ko kukumpirmahin ang aking account?

Pagkatapos mong lumikha ng account, makakatanggap ka ng kawing para aktibahin ito. Sundan ang kawing sa email para kumpirmahin at aktibahin ang iyong bagong Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) account. Kung hindi mo kukumpirmahin ang iyong account sa loob ng 14 na araw pagkatapos itong simulan, mawawalang-bisa ang iyong rehistrasyon at kakailanganin mong ulitin ang proseso ng paglikha ng account. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga paanyaya, mangyaring sumangguni sa FAQ ukol sa mga Paanyaya.

Kung hindi mo natanggap ang email ukol sa pagrerehistro sa loob ng ilang oras pagkatapos mong magrehistro, mangyaring tingnan ang iyong salaan ng spam. Kung hindi mo pa rin natanggap ang email sa loob ng 48 na oras, mangyaring makipag-ugnayan sa Tulong at humingi ng tulong sa pagpapa-aktibo ng iyong account. Kapag nakikipag-ugnayan sa Tulong, mangyaring banggitin ang email na nakaugnay sa iyong account. Upang makasigurong hindi hinaharangan ng iyong email server ang abiso, maaari mong idagdag sa iyong safelist ang [email protected].

Ano ang dapat kong gawin kung sa aking palagay ay na-hack ang aking account?

Kung may hinala kang may gumagamit ng iyong account nang walang pahintulot, agad mong palitan ang iyong password at makipag-ugnayan sa Abuso para makasiguro na hindi ginagamit ang iyong account para sa masamang pakay.

Paano ko papalitan ang email na nakaugnay sa aking account?

Mapapalitan mo ang email na nakaugnay sa iyong account sa pahina ng Edit Profile (Baguhin ang Aking Profile) gamit ang mga sumusunod na hakbang:

  1. Lumagda, at pumunta sa iyong dashboard sa pamamagitan ng pagpili sa salubong na "Hi (Mabuhay), [panlagda]!" at pagpili ng "My Dashboard" (Aking Dashboard) mula sa menu, o sa pagpili ng imahe ng iyong profile.
  2. Piliin ang "Profile" mula sa menu na matatagpuan sa gilid ng pahina (o sa itaas sa mobile device).
  3. Gamitin ang buton na "Edit My Profile" (Baguhin ang Aking Profile) na matatagpuan sa ibaba ng iyong profile.
  4. Gamitin ang buton na "Change Email" (Palitan ang Email), ang huling pagpipilian sa ilalim ng page header.
  5. Ilagay ang bagong email address sa mga patlang para sa "New Email" (Bagong Email) at "Confirm New Email" (Kumpirmahin ang Bagong Email).
  6. Ilagay ang iyong password sa patlang ng "Password".
  7. Gamitin ang buton na "Change Email" para pairalin ang iyong mga pagbabago. Makakatanggap ka ng email sa iyong dating email address na nag-aabiso ukol sa pagbabago.

Paano ko papalitan ang aking password?

Mapapalitan mo ang password para sa iyong account sa pahina ng Edit Profile (Baguhin ang Aking Profile) gamit ang mga sumusunod na hakbang:

  1. Lumagda, at pumunta sa iyong dashboard sa pamamagitan ng pagpili sa salubong na "Hi (Mabuhay), [panlagda]!" at pagpili ng "My Dashboard" (Aking Dashboard) mula sa menu, o sa pagpili ng imahe ng iyong profile.
  2. Piliin ang "Profile" mula sa menu na matatagpuan sa gilid ng pahina o sa itaas sa mobile device.
  3. Gamitin ang buton na "Edit My Profile" (Baguhin ang Aking Profile) na matatagpuan sa ibaba ng iyong profile.
  4. Gamitin ang buton na "Change Password" (Palitan ang Password).
  5. Ilagay ang bagong password sa mga patlang para sa "New Password" (Bagong Password) at "Confirm New Password" (Kumpirmahin ang Bagong Password).
  6. Ilagay ang iyong kasalukuyang password sa patlang ng "Old Password" (Dating Password).
  7. Gamitin ang buton na "Change Password" sa ilalim ng form para pairalin ang iyong mga pagbabago.

Paano ko mapapalitan ang aking panlagda?

Bago mo palitan ang iyong panlagda, unawain na hindi kusang tutungo sa iyong bagong panlagda ang mga kawing mula sa iyong dating panlagda. Wala sa mga kawing para sa iyong mga indibidwal na katha ang iyong panlagda, kaya hindi magugulo ang mga ito, ngunit siguradong magugulo ang kahit anong kawing para sa iyong Dashboard, Profile, pahina ng Works (Mga Katha), pahina ng Series (Mga Serye), at iba pa, dahil bahagi ng URL (kawing) ang iyong panlagda. Hindi magdudulot ng ganitong problema ang paglikha ng sagisag-panulat.

Para palitan ang iyong panlagda:

  1. Lumagda, at pumunta sa iyong dashboard sa pamamagitan ng pagpili sa salubong na "Hi (Mabuhay), [lumagda]!" at pagpili ng "My Dashboard" (Aking Dashboard) mula sa menu, o sa pagpili ng imahe ng iyong profile.
  2. Piliin ang "Profile" mula sa menu na matatagpuan sa gilid ng pahina o nakalatag sa itaas sa mobile device.
  3. Piliin ang "Edit My Profile" (Baguhin ang Aking Profile) sa ibaba ng pahina.
  4. Gamitin ang buton na "Change User Name" (Palitan ang Panlagda).
  5. Ilagay ang iyong bagong panlagda at password sa form.
  6. Gamitin ang buton na "Change User Name" para pairalin ang iyong mga pagbabago.

Dapat walang katulad ang mga panlagda. Hindi mo maaaring palitan ang iyong panlagda para sa panlagdang ginagamit na ng iba. Kung ginagamit na ng iba ang gusto mong panlagda, pag-isipang gumamit na lang ng Sagisag-Panulat (sumangguni sa FAQ ukol sa mga Sagisag-Panulat).

Gayunpaman, maaari mong ibahin ang paggamit ng malaking titik sa iyong kasalukuyang panlagda nang hindi binabago ang web address ng iyong pahina. Samakatuwid, kung ang iyong kasalukuyang panlagda ay "superfan", maaari mong baguhin ang iyong account para ito ay maging "Superfan", "SuperFan", o kahit na "SuPeRfAn", at hindi magugulo ang kahit anong mga kawing. Kapag binabago ang paggamit ng malaking titik, siguraduhing hindi tatandaan ng iyong browser ang mga nakaraang laki ng mga titik - kusang ibabalik ng ibang browser ang dating anyo kapag sinusubukan mong baguhin ito.

Para malaman kung papaano maaapektuhan ng pagbabago ng panlagda ang iyong mga katha, palatandaan at iba pang mga bahagi ng iyong account, mangyaring sumangguni sa Paano maaapektuhan ng pagbabago ng aking panlagda ang aking account?

Paano maaapektuhan ng pagbabago ng aking panlagda ang aking account?

Sa pagbabago ng iyong panlagda, siguradong:

  • Magbabago ang iyong panlagda sa lahat ng iyong mga katha at palatandaan.
  • Magbabago ang iyong panlagda sa lahat ng mga komento at pugay na iyong iniwan sa site.
  • Magbabago ang iyong kinikilalang sagisag-panulat.
  • Magugulo ang mga kawing para sa iyong profile, dahil kasama sa URL ang iyong panlagda.
  • Magugulo ang kawing sa listahan ng iyong mga katha, dahil kasama sa URL ang iyong panlagda.
  • Magugulo ang anumang kawing na naglalaman ng iyong panlagda. Halimbawa, archiveofourown.org/users/$USERNAME/series.

Sa pagbabago ng iyong panlagda, hindi:

  • Magugulo ang mga kawing sa iyong mga indibidwal na katha, likom o hamon dahil hindi binabanggit ng mga direktang kawing ang iyong panlagda. Halimbawa, maaaring nakaayos nang ganito ang kawing para sa isa sa iyong mga katha: archiveofourown.org/works/12345678.
  • Agad-agad na magbabago ang iyong panlagda sa mga listahan ng paghahanap sa Internet, tulad ng Google, Bing, o Yahoo.
  • Mabubura ang iyong mga katha, palatandaan, suskrisyon, nakaraan, o anumang nilalaman na iyong nilikha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan).

Mag-ingat sa paggamit ng katangiang ito. Tandaan na maaaring umabot ng ilang araw bago magpakita ang mga pagbabago sa iyong panlagda. Kung hindi pa nagbabago ang iyong panlagda sa iyong mga katha, palatandaan, likom, atbp., pagkalipas ng isang linggo, mangyaring makipag-ugnayan sa Tulong.

Paano ko mababawi ang aking nawalang-bisang panlagda o password?

Maaari mong bawiin ang isang nawalang-bisang password gamit ang form para sa pagbawi ng password. Kailangan mong ilagay ang iyong panlagda o ang email address na nakaugnay sa iyong account sa katuwang na patlang at gamitin ang buton na "Reset Password" (Baguhin ang Password). Kung nakalimutan mo ang iyong panlagda at inilagay mo ang iyong email address, mababawi ang iyong panlagda at mababago ang iyong password. Ang iyong mga detalye ay ipapadala sa email address na nakaugnay sa iyong account sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Kung hindi mo rin mabuksan ang email address na nakaugnay sa iyong AO3 account, mangyaring makipag-ugnayan sa Tulong para ika’y matulungan.

Paano ko buburahin ang aking account?

Matatanggal ang iyong mga katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisdlan) kapag binura mo ang iyong account. Kung gusto mong burahin ang iyong account ngunit panatilihin ang iyong mga katha, pag-isipan mong ulilain ang iyong mga katha (sumangguni sa FAQ ukol sa Pangungulila). Maaari mong burahin ang iyong account sa pahina ng iyong Profile gamit ang mga sumusunod na hakbang:

  1. Lumagda, at pumunta sa iyong dashboard sa pamamagitan ng pagpili sa salubong na "Hi (Mabuhay), [panlagda]!" at pagpili ng "My Dashboard" (Aking Dashboard) mula sa menu, o sa pagpili ng imahe ng iyong profile.
  2. Piliin ang "Profile" mula sa menu.
  3. Gamitin ang buton na "Delete My Account" (Burahin ang Aking Account) sa ibaba ng iyong profile. Tandaan na permanente ang hakbang na ito. Hindi maaaring ibalik ang buradong account.
  4. Kung mayroon kang mga katha, tatanungin ka kung gusto mong ulilain o burahin ang mga ito.

Para malaman kung paano maapektuhan ng pagbura ng iyong account ang mga komento at pugay na iyong iniwan, sumangguni sa Ano ang mangyayari sa mga komentong iniwan ko kung buburahin ko ang aking account? at Ano ang mangyayari sa mga pugay na iniwan ko kung buburahin ko ang aking account? sa FAQ ukol sa mga Komento at Pugay.

Paano ko tatanggihan ang isang handog?

Lumagda, at pumunta sa iyong dashboard sa pamamagitan ng pagpili sa salubong na "Hi, [username]!" at pagpili ng "My Dashboard" (Aking Dashboard) mula sa menu, o sa pagpili ng imahe ng iyong profile. Piliin ang "Gifts" (Mga Handog) mula sa menu sa gilid ng pahina o sa itaas sa mobile device. Dadalhin ka nito sa listahan ng mga hinandog sa iyo.

Gamitin ang buton na "Refuse Gift" (Tanggihan ang Handog) sa ilalim ng anumang katha upang tanggihan ito. Mababasa pa rin ang katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisdlan), ngunit hindi na ito magpapakita sa iyong mga handog, at hindi isasama ang iyong panlagda bilang tagatanggap sa lagom ng katha o sa bahagi ng mga tala ng katha para sa mga handog.

Hindi inaabisuhan ang mga manlilikha ng katha kung tatanggihan mo ang isang handog, at hindi ito maaaring ihandog muli sa iyo.

Kung nais mong maabisuhan kapag nakatanggap ka ng handog, tingnan ang Paano ko iibahin ang aking pagtanggap ng mga abiso ukol sa komento? Kung nais mong tanggapin ang handog na tinanggihan mo na, sumangguni sa May paraan ba para tanggapin ang isang handog matapos tanggihan ito?

May paraan ba para tanggapin ang isang handog matapos tanggihan ito?

Oo. Lumagda at pumunta sa iyong dashboard sa pamamagitan ng pagpili sa salubong na "Hi (Mabuhay), [panlagda]!" at pagpili ng "My Dashboard" (Aking Dashboard) mula sa menu, o sa pagpili ng imahe ng iyong profile. Piliin ang "Gifts" (Mga Handog) mula sa menu sa gilid ng pahina o sa itaas sa mobile device. Dadalhin ka nito sa listahan ng mga hinandog sa iyo.

Mula roon, piliin ang buton ng "Refused Gifts" (Mga Tinanggihang Handog). Dadalhin ka nito sa listahan ng mga handog na tinanggihan mo. Para palitan ang pagkatanggap ng isang katha, piliin ang buton ng "Accept Gift" (Tanggapin ang Handog) sa lagom ng kathang iyon. Babalik ang katha sa listahan ng iyong mga tinanggap na handog, at muling ililista ang iyong panlagda bilang tagatanggap sa lagom at mga tala ng katha.

Hindi inaabisuhan ang mga manlilikha ng katha kung tatanggapin mo ang isang handog na minsan mong tinanggihan.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa pagtanggi ng handog, tingnan ang Papaano ko tatanggihan ang isang handog?

Saan ako maaaring sumangguni kung sakaling hindi nasagot ang aking katanungan?

Sinasagot ang mga madalas na tinatanong ukol sa Archive of Our Own - AO3 (Ating Sariling Sisidlan) sa mas malawak na FAQ ng AO3, at makikita ang iba pang karaniwang terminolohiya sa Talahuluganan. Mahahanap sa FAQ ng Palatuntunan ng Aming Serbisyo ang mga katanungan at kasagutan tungkol sa aming mga Palatuntunan. Maaari mo ring basahin ang aming Mga Kilalang Isyu. Kung kailangan mo ng karagdagang tulong, mangyaring magsumite ng kahilingan ng tulong.